TURO NI JESUS: MAGKAROON NG MABUTING MODELO SA BUHAY

“WALANG alagad na nakakahigit sa kanyang guro at walang aliping nakakahigit sa kanyang panginoon. Sapat nang matulad ang alagad sa kanyang guro, at ang alipin sa kanyang panginoon.” (Mateo 10:24-25)

Sabi ng manunulat na si Mack Douglas, “Everyone should have some kind of personal image to guide his behavior.”

(Ang bawat tao ay dapat magkaroon ng imaheng magiging giya sa kanyang pag-uugali). Ang isip ng lahat ng tao, pagka-panganak sa kanya, ay isang tabula rasa (bakante pa ang isip). Habang tayo ay lumalaki, natural na naghahanap tayo ng mga taong modelong puwede nating gayahin. Ang unang-unang modelo natin ay ang ating mga magulang. Sila ang nagturo sa ating magsalita, maglakad, kumain, uminom, at iba pang gawain. Kung tayo ay may mga kuya at ate, ginagaya rin natin sila. Kung mayroon tayong mga kapitbahay na nagiging kalaro, gumagaya rin tayo sa kanila.

Pagpasok sa paaralan, ginagawa rin nating modelo ang ating mga guro at ilang magagaling na mga kamag-aral. Kung ano at sino ang ating mga modelo, natutulad tayo. Nagagaya natin ang kapwa mabuti at masamang ugali nila. Kung mainitin ang ulo ng isang magulang, madalas na napapagaya ang mga anak. Kapag palakaibigan ang magulang, madalas na nagiging palakaibigan din ang mga anak. Kaya dapat talagang mag-ingat ang mga magulang sa mga halimbawang ipinakikita nila sa kanilang anak; dahil tiyak na gagayahin nila.

Salamat sa Diyos dahil nagkaroon ako ng mga mabubuting magulang. Ang ina ko ay napakarelihiyosa; siya ang nagturo sa aming magkakapatid na laging magdadasal bago matulog. Lumaki akong nananampalataya sa Diyos dahil sa halimbawa ng aking ina. Ang ama ko ay hindi relihiyoso subalit napakasipag magtrabaho, walang barkada at walang bisyo. Dahil malaki ng aming pamilya – labintatlo kaming magkakapatid – ang ama ko ay may dalawang trabahong sabay-sabay. Sa araw, nagtrabaho siya sa Bureau of Finance ng gobyerno, at sa gabi naman, nagturo siya ng Accounting sa FEATI University. Nang tumanda na ako at nagtrabaho, naging dalawa rin ang aking hanapbuhay.

Sa araw, nagtrabaho ako sa isang multinational company, at sa gabi naman ay nagturo ako sa Unibersidad ng Pilipinas at sa La Salle. Gaya ng aking ama, lumaki akong walang barkada at walang bisyo.

Nakatulong sa akin ito dahil naging malaki ang aking ipon; wala akong nasasayang na pera; nakasapat ang pamilya ko sa lahat ng pangangailangan; hindi namin naging problema ang kawalan ng pera.

Kaya importanteng pumili tayo ng mga mabuting modelo sa buhay dahil matutulad tayo sa mga modelong pipiliin natin.

Sinabi ni Jesus na walang alagad na nakakahigit sa kanyang guro at walang aliping nakakahigit sa kanyang panginoon. Sapat nang matulad ang alagad sa kanyang guro, at ang alipin sa kanyang panginoon. Pag may edad na tayo, at wala na sa ilalim ng otoridad ng ating mga magulang, o kaya ay namatay na ang ating mga magulang, dapat ay kusa tayong pumili ng bagong mabubuting modelo na maaari nating gayahin. Sa aking palagay, ang pinakamabuting modelo na puwedeng gayahin ng sinuman ay ang Panginoong Jesus. Siya ay ubod nang buti, dunong at kapangyarihan. Ang mga katuruan niya ang pinakamataas na karunungang puwedeng matutunan sa ibabaw ng lupa. Ang kanyang mga gawa ay ang pinakadakilang kabutihan at kapangyarihang makikita o magagaya.

Ang turo ni Jesus, “Ako ay naparito upang bigyan kayo ng buhay na may kasaganaan.” (Juan 10:10b) Pag- aralan natin ang mga sibilisasyong umusbong at namayani sa daigdig – ang pinakadakila, maayos at maunlad na kabihasnan ay ang mga lipunang Kristiyano.

Ang sabi ng Bibliya, “Ang magnanakaw ay dumarating upang magnakaw, pumatay at manira.” (Juan 10:10a). Kapag ang pipiliin nating modelo ng pag-uugali ay mga mararahas na tao, magiging marahas din ang ating kilos at lilikha tayo ng lipunang magulo at marahas. Malamang na magugustuhan din nating magnakaw, pumatay at manira. Kaya bago tayo sumunod sa anumang paniwala, relihiyon o ideolohiya, pag-aralan muna natin ang pag-uugali at katuruan ng mga founders (tagapagtatag) ng mga ito.

Naalala ko, maraming taon na ang nakakalipas, may isang artistang sumikat sa Pilipinas, na kung umasta ay parang sanggano, rebelde, lapastangan, at bastos. Nakaakit siya ng maraming kabataang lalaki na gumaya sa kanyang kilos.

Maraming lalaking teenager ay humanga sa kanya at ginawa siyang idolo. Nakita ko na maraming kabataang lalaki, at karamihan sa kanila ay galing sa mga squatters’ area, ay gumaya sa kanyang pananamit, pananalita, at pagkilos.

Naging siga ang ugali nila, maraming bisyo, barumbado, at gustong maging malakas sa “tsiks” (babae). Malungkot dahil dati na nga silang mahirap, at lalo pang naghirap dahil mali ang pinili nilang modelo sa buhay. Lalong napariwara ang buhay nila. Nakakaawa talaga ang mga taong iyon.

Salamat sa Diyos dahil nang magturo ako sa mga maralitang taga-lungsod, inudyok ko silang gawing modelo ang Panginoong Jesus. Natuto silang bumasa at sumulat ng mabuti dahil sa pagbabasa ng Bibliya, bumalik sila sa paaralan at nagtapos ng High School at kolehiyo, nagkatrabaho, at nagkabahay at lupa. Tinuruan ko rin silang gawaing modelo ang mga matatagumpay na negosyanteng Pilipino. Ngayon, marami sa kanila ay may negosyo na rin, at ngayon ay maasenso na. Sila na ang nagtuturo at nag-aakay sa ibang mahihirap na tumulad kay Jesus para umasenso rin ang buhay.

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)