“NAPAKARAMING aanihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala ng mga mag-aani.” (Mateo 9:37-38)
Kung ang sipag at tiyaga ng isang tao ay maaaring magpayaman sa kanya, lalo na kung mayroon siyang maraming kamanggagawa na tutulong at magsisilbi sa kanya, maghanap at magsanay tayo ng mga manggagawang magtatrabaho ng may sipag, tiyaga at husay sa kanilang gawain. May magandang “multiplier effect” (epektong pagpaparami) ang pagkakaroon ng maraming empleyadong magsisilbi sa iyo. Kung ikaw ay amo, ang papel mo ay ang maging mabuting “mastermind.” Ang tungkulin ng isang mastermind ay ang mag-isip, magplano, magtakda ng layunin, maghikayat at magpalakas ng loob ng mga manggagawa para sila magtrabaho ng buong sipag at kataimtiman. Ang papel ng mga manggagawa ay ang tumupad sa mga plano ng amo. Ang magaling na boss ay mahusay mag- motivate (pumukaw ng damdamin) ng mga tauhan niya.
Ang matagumpay na amo ay magaling magpatrabaho ng tao. Ang tungkulin ng mga manggagawa ay ang kumilos para maganap ang layon, adhika, at utos ng kanilang tagapamahala.
Si Jesus ay magaling na tagapangasiwa. Ginamit niya ang prinsipyo ng pagpaparami para matupad ang kanyang misyon. Ang kanyang layon ay ang “hanapin at iligtas ang mga nawawala.” Nang magpasimula siya ng kanyang ministeryo, mag-isa lang muna siyang umikot sa bansang Israel. Pumapasok siya sa mga sinagoga, humaharap sa madla, nagtuturo at nagpapagaling ng mga may-sakit. Di naglaon, mula sa maraming tagasunod niya, pumili siya ng labindalawang alagad na tinawag niyang apostol. Ang ibig sabihin ng salitang apostol ay “isinugo” o “pinadala.” Sa loob ng tatlo at kalahating taon, sinanay niya ang mga apostol para gawin ang trabahong ginawa niya. Isinama niya sa lahat ng kanyang gawain ang labindalawa para mapakinggan ang kanyang mga katuruan at mapagmasdan ang kanyang mga gawa ng pagpapagaling, pagtulong, at mga kababalaghan. Pagkatapos, binigyan niya ng kapangyarihan at mga alituntunin ang mga apostol. Inutusan niya silang humayo, bumisita sa iba’t ibang lungsod sa Israel para magturo, magpagalling ng mga maysakit, bumuhay ng mga patay. maglinis sa mga may ketong, at magpalayas ng mga demonyo.
Pagkatapos nito, pumili pa si Jesus ng iba pang pitumpu’t dalawang alagad para gumawa din ng ganoong trabaho. (Tingnan sa Lucas 10:1). Kaya mula sa orihinal na isang tagapagturo (si Jesus), dumami ito sa labindalawang guro (mga apostol); at ang labindalawa ay naging pitumpu’t dalawa. Nang matapos na ni Jesus ang kanyang misyon sa lupa, bago siya umakyat sa langit, iniutos niya sa lahat ng mga tagasunod niyang humayo at gawing mga alagad ni Jesus ang lahat ng mga bansa. Ito ang dahilan kung bakit naging pandaigdigang pananampalataya ang Kristiyanismo. Saan mang dako na ipangaral ang katuruan ni Jesus, nagkakaroon ng kaunlaran at pag-angat ng sibilisasyon. Si Jesus ay isang napakabuting “mastermind.”
Sinunod ko ang halimbawa ni Jesus. Nagparami rin ako ng mga kamanggagawa. May nakilala akong tatlong batang squatter. Kinaibigan ko sila, tinuruan ng mga kuwento tungkol kay Jesus sa Bibliya, at pagkatapos ay ibinili ko sila ng pagkain at mga kagamitang kailangan nila sa paaralan o tahanan. Sa mga sumunod na pagtatagpo namin, patuloy na dumami ang mga kabataang aking tinuruan. Pagkatapos ay dinala nila ako sa tahanan nila sa squatter’s area at nakilala ko ang kanilang mga magulang, kuya at ate. Nagturo rin ako ng Bibliya sa kanila. Di naglaon, lumaki nang lumaki ang aming Bible Study group at naging isang komunidad na tinawag naming OB Christian Community. Pumili ako ng siyam na “matatanda” (bagama’t mga teenagers pa lang sila noon) na tutulong sa akin sa pangangasiwa ng komunidad. Ipinasa ko sa kanila ang aking mga nalalaman tungkol kay Jesus at sa Bibliya.
Nanganak ang aming komunidad ng apat pang samahan. Pagkatapos, ginawa ko ang silong ng bahay ko para maging isang “house church” na tinawag naming Gospel of Christ Family Church. Nanganak ito ng apat pang samahan.
Sa aking consultancy business, nag-arkila ako ng mga empleyado at sila ang tumupad ng lahat ng patakaran ko sa negosyo. Ako ang taga-isip at taga-imbento ng mga produkto; ang mga empleyado ko naman ang kumilos para maisakatuparan ang aking mga layunin. Ngayon nakatira ako sa probinsiya at nagsasaka. Ako ang nagdisenyo at nagplano ng bahay ko. Nag-arkila ako ng maraming manggagawa – superbisor, mason, karpintero, laborer, electrician, tubero, katulong, atbp.
Sila ang kumayod para maitayo ang aking bahay. Dahil wala akong malalim na karanasan sa pagsasaka, nagsimula muna ako sa maliit na hardin. Nagtanim ako ng mga gulay at mga nagbubungang halaman at puno.
Nag-alaga rin ako ng mga manok. Nag-arkila ako ng mga manggagawa para magtayo ng mga kulungan ng hayop at gumawa ng mga bakod para sa aking sinasakang lupain. Sa tulong ng ilang katuwang, patuloy na lumalawak ang aking taniman at hayupan.
Nadiskubri kong ang pagyaman pala ay hindi lang sa pagdami ng pera (ito ay mga papel at barya na inisyu ng gobyerno para kilalaning “legal tender” ng bansa), kundi sa pagdami rin ng mga halaman, punong kahoy, iba’t ibang hayupan, paglawak ng lupain at sakahan, at pagdami ng iyong kaalaman. Para yumaman sa malinis na paraan, sundin natin ang utos ni Jesus, “Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala ng mga mag- aani.”
Mag-arkila, magsanay, at mamuno sa maraming manggagawa na tutulong sa iyong matupad ang iyong mga layunin.
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)