TURO NI JESUS: MAGKAROON NG PAGKAKAISA

“ANG bawat kahariang naglalaban-laban ang mga mamamayan ay babagsak, at alinmang bayan o sambahayang sila-sila ang naglalaban ay mawawasak.” (Mateo 12:25)

Nang matanggal si Ferdinand Marcos Sr. bilang presidente ng Pilipinas noong 1986, humalili si Pangulong Cory Aquino. Nagkaroon ng pag-angat ang ekonomiya ng bansa dahil bumalik ang demokrasya at ang maraming korap na crony capitalists ay natanggal sa kapangyarihan. Subalit ‘di naglaon, nagkaroon ng sunod-sunod na coup d’etat laban kay Cory na pinamunuan ng karismatikong sundalong si Gringo Honasan. Nahati ang sandatahang hukbo ng bansa, natakot ang maraming prospective investors, kaya bumagsak na naman ang ekonomiya. Anim na taong matamlay ang takbo ng Pilipinas. Sunod- sunod ang brownout dahil sa kakulangan ng pondo ng gobyerno dahil sa laki ng utang na dapat bayaran sa IMF-World Bank.

Noong 1992, dumating si Presidente Fidel Ramos. Magaling siyang lider. Ang paulit-ulit niyang ipinangaral ay ang mga katagang “Kung sama-sama, kayang-kaya.” Noong panahon ng kanyang pagkapangulo, sinikap niyang pagkaisahin ang mga Pilipino. Kinasihan niya ang mga Pilipinong magkaroon ng malakas na damdaming pagkamakabayan. Kaya nabuhay muli ang bumabagsak nang ekonomiya ng bansa.

Batay sa karanasan, malinaw na ang pagkakaisa ay pagpapala ng Diyos; subalit ang pagkakahati-hati ay parusa niya.

Ang sabi ng salawikaing Amerkano, “In unity, there is strength.” (Sa pagkakaisa ay may kalakasan) “United we stand, divided we fall.” (Kung nagkakaisa, titindig tayo. Kung hati-hati, babagsak tayo.) Ang sabi naman ng salawikaing Chino, “When a family lives in harmony, all affairs will prosper.” (Pag namumuhay ng may pagkakaisa ang isang pamilya, lahat ng gagawin nila ay magtatagumpay)

Magandang pag-aralan ang kasaysayan ng bansang Israel sa Bibliya. Naging pinuno ng bayang ito si Haring David, isang taong may takot sa Diyos at sumusunod sa Kanyang mga utos. Tinawag siyang “A man after God’s own heart.” (Isang taong sang-ayon sa puso ng Diyos.). Dahil sa kanyang pagmamahal sa Panginoon, pinagpala siya; at pati ang buong Israel ay pinagpala rin. Nagwagi sila sa lahat ng digmaan laban sa kanilang mga kaaway na bansa. Ang labindalawang tribo ng bansa ay nagkakaisa. Nagpasakop ang maraming kapit-bayan at nagbigay ng regular na pagpupugay at kayamanan. Naging labis na maunlad ang ekonomiya ng Israel at lumawak ang nasasakupan nitong lupain.
Ang pumalit na hari ay ang anak ni David na si Solomon. Dahil sa pagmamahal ng bagong hari sa Diyos, binigyan siya ng dakilang karunungan. Ang katalinuhan niyang ito ang naghatid ng kapayapaan at kaunlaran sa kaharian.

Noong panahon ng pagiging masunurin sa Diyos ni Solomon, pinagpala siya at ang buong Israel. Ang mga mamamayan ay nagkakaisa at ubod ng maligaya. Naging pinakadakila at mayamang bansa ang Israel. Sa kasawiang-palad, nang tumanda na si Solomon at naging ubod nang yaman, lumaki ang kanyang ulo. Naging matigas ang puso niya tungo sa Diyos. Parang nainis siya sa Diyos kung bakit tumatanda ang tao at iiwan lang niya ang lahat ng pinagpaguran niyang kayamanan. Napagod siyang sumunod sa karunungan. Sinubukan niya ang buhay- kahangalan. Kumuha siya ng 700 asawa at 300 konkubina. Ang mga asawa niyang ito ay umakay sa kanyang sumamba sa mg diyos-diyosang kinamumuhian ng Panginoon. Binalaan siya ng Diyos ng ilang ulti, subalit hindi siya nakinig. Tumalikod si Solomon mula sa pagsunod sa Diyos. Ang parusa ng Panginoon sa kanya ay lumitaw ang maraming kaaway na naghimagsik at nakidigma laban sa Israel. Pati ang dating nagkakaisang mamamayan ng Israel ay nagsimulang madiskontento sa kanyang mabagsik na pamamahala. Nang mamatay na si Solomon, ang pumalit sa kanya bilang hari ay isang suwail at hangal na anak, si Rehoboam. Tinanggihan nito ang payo ng kanyang matatalinong matatandang tagapayo. Naging mas mabagsik pa siya kaysa sa kanyang ama. Dahil dito, nagrebelde ang sampu sa labindalawang tribo ng Israel.

Humiwalay ang sampung tribong ito, nagtatag ng sarili nilang bansa, at pumili ng sariling hari. Dalawang tribo lang ang natirang sumusunod kay Haring Rehoboam. Ang parusa ng Diyos kay Solomon at Rehoboam ay ang pagkakahati ng bayan. Nawala ang lakas at kayamanan ng Israel. Di nagtagal ay nasakop sila ng kalabang bansa.

Pagkakaisa ay pagpapala ng Diyos; pagkakahati-hati ay parusa ng Diyos.

Humahanga ako sa pagkakaisa ng magkakapatid ng aking asawa. Nang mamatay na ang kanilang magulang, trinato nila ang asawa ko, ang panganay sa magkakapatid, na parang ikalawa nilang magulang. Maalalahanin sila sa asawa ko at laging nagbibigay ng regalo. Sa pamumuno ng asawa ko, nagkaisa silang magkakapatid na magtatag ng isang family business sa pamamagitan ng mga lupaing iniwan ng mga magulang nila. Dahil sa kanilang pagtutulungan at pagkakaisa, lahat sila ay naging matagumpay at mayaman sa buhay. Isang sekreto ng pagyaman ay ang pagkakaisa.

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)