“HINDI na sila kailangang umalis. Bigyan ninyo sila ng makakain.” (Mateo 14:16)
May kasabihan ang mga Amerikano, “The shortest distance to a man’s heart is through the stomach.” (Ang pinakamaikling distansiya papunta sa puso ng isang lalaki ay sa pamamagitan ng kanyang tiyan). Ang ibig sabihin nito, kung gusto ng isang babaeng maakit ang damdamin o pagmamahal ng isang lalaki, dapat ay maipakita niyang masarap siyang magluto ng pagkain. May ilang lahi kung saan ang mga lalaki ay mahusay magluto – kagaya ng mga lalaking Italyano at ilang lalaking Kapampangan. Ang kahusayan nila sa pagluluto ay epektibong daan para maakit nila ang babaeng kanilang napupusuan. Nagpapatunay kasi ito na sila ay magiging mabuti at mapag-alagang asawa o ama.
Lahat ng tao ay nagugutom; lahat ng tao ay kailangang kumain para mabuhay; at kasiyahan ng lahat ng tao ang kumain ng masarap na pagkain. Isa itong batas ng buhay na hindi puwedeng baliin. Kaya kung gusto ng isang taong magkaroon ng maraming tagasunod o tagahanga, malaking tulong kung magiging marunong siyang magpakain ng mga tao.
Isa ito sa kamahal-mahal na ugali ng Panginoong Jesu-Cristo. Mahabagin at maunawain siya sa pangangailangan ng tao.
Napakahusay rin niyang magturo. Ang mga katuruan niya ay punom-puno ng karunungan at nakapagpapabago ng buhay. Ang paborito niyang metodo ng pagtuturo ay pagkukuwento o paggamit ng mga talinghaga. Ang mga tagapakinig niya ay hindi nababagot sa pakikinig. Kahit buong maghapon siyang magturo, walang napapagod matuto. Napakalaking madla ng tao ang nanggagaling pa sa malalayong lugar para lang makinig sa kanya. Dalawang beses binanggit ng Bibliya na si Jesus ay nagturo sa napakaraming tao hanggang abutin ng maghapon. Nang malapit nang lumubog ang araw, nilapitan siya ng kanyang mga alagad para pauwiin na niya ang mga tao.
Subalit sinabi ni Jesus na ayaw niyang pauwiin sila nang hindi nakakakain dahil baka himatayin sila sa gutom sa kanilang pag-alis. Kaya sinabi niya sa mga alagad, “Hindi kailangang paalisin ang mga tao. Bigyan niyo sila ng makakain.” Nagulat ang mga alagad dahil wala silang ganoon karaming pera para makabili ng pagkain para mapakain ang mga tao. Ang bilang nga mga kalalakihan ay limang libong (5,000) tao. Kung bibilangin pati ang mga asawa at dalawang anak bawat mag-asawa, aabot sa 20,000 tao ang dapat pakainin. Tinanong ni Jesus kung gaano karaming pagkain ang mayroon sila. Sinabi ng mga alagad na mayroon lang silang limang tinapay at dalawang isda. Ang ginawa ni Jesus ay pinarami ang mga ito at pinakain ang lahat ng tao hanggang sa sila ay mabusog. Pagkatapos, iniutos ni Jesus sa mga alagad niya, “Ipunin ninyo ang mga lumabis. Wala dapat masasayang.” Ang nakoletka nilang sobrang pagkain ay labindalawang (12) basket. Dahil sa milagrong ito, gusto ng mga Judiong sapilitang gawin si Jesus na kanilang hari. Madaling umalis si Jesus. Ang pagkain ay isang makapangyarihang paraan para maimpluwensiyahan ang maraming tao.
Noong ako ay nasa Third Year college, may nakilala akong tatlong batang squatter sa UP Campus na tumutulong sa kanilang mga nanay maglaba para sa mga estudyanteng nakatira sa mga dormitoryo. Tiinuruan ko sila ng mga kuwento tungkol kay Jesus sa Bibliya. Pagkatapos, pinakain ko sila sa shopping center. Pagkatapos, ibinili ko ang mga binanggit nilang pangangailangan nila sa bahay o paaralan. Sinabi ko sa kanilang bumalik sila sa darating na ikalawang araw. Pagdating ng takdang araw, dumami ang bilang ng mga bata. Tinuruan ko ulit sila at pinakain. Patuloy na lumaki ang aming grupo. Dinala nila ako sa lugar nila sa squatters area para ipakilala sa akin ang kanilang mga magulang at nakatatandang kapatid. Nagturo ako ng Bibliya sa mga bahay nila. Para huwag makabigat sa kanila, nagdadala ako ng pagkain na pinagsalu-saluhan namin. Ang metodo kong ito ay ang dahilan kung bakit lumaki ang aming grupo at naging isang pamayanang tinawag naming Old Balara Christian Community (OBCC). Ngayon ay naging apat na komunidad na ito.
May nakilala akong isang negosyante na noong una ay napakabagsik at hindi mapagbigay sa kanyang mga empleyado. Subalit nang kamuntik na siyang mamatay at naligtas sa kamatayan, nagbago ang buhay niya. Naging galante at matulungin siya sa kanyang mga empleyado. Ginamit niya ang kayamanan niya para bigyan ng scholarship ang bawat anak ng kanyang mga empleyado.
Minahal siya ng kanyang mga manggagawa at nagmalasakit sila sa kumpanya. Lumaki at dumami ang mga negosyo niya.
Sa General Santos City, may nakilala akong isang babaeng negosyante ng mga barko ng pangingisda ng tuna. Nagkaroon siya ng sakit at dinala siya sa Amerika para magpagamot. Subalit sinabi ng mga doktor na walang kagamutan ang sakit niya. Namanata siya sa Diyos na kung pagagalingin siya, aalagaan niya ang mga empleyado ng kanyang kumpanya. Pinagaling nga siya ng Diyos. Naging ubod ng galante at mapagbigay siya sa kanyang mga manggagawa, pati sa maraming pastor at simbahan.
Pinagpala at pinarami ng Diyos ang kanyang negosyo hanggang umabot sa limampu’t apat (54) na kompanya ang bilang. Batay sa turo ni Jesus at batay sa aking karanasan, mag-alaga tayo sa mga tao at magpakain sa mga nagugutom; mamahalin tayo ng mga tao at pagpapalain ng Diyos.
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)