“KUNG ang mga nagmamahal sa inyo ang siya lamang ninyong mamahalin, anong gantimpala ang inyong maaasahan?” (Mateo 5:46)
Isa sa mahirap na katuruan ni Jesus sa Bibliya ay ang “Mahalin ang iyong kaaway.” Hindi kaya ng sariling lakas para masunod ito. Kailangan ng tulong ng Banal na Espiritu para matupad ito. Ang pangako ng Panginoon, pagpapalain niya ang taong magmamahal sa kanyang kaaway. Kung mamumuhi ka sa kaaway mo, mauuwi ito sa walang tigil na pag-aaway (o rido), pananakit, kaguluhan at sakit ng damdamin. Hindi masaya ang buhay kung puno ka ng balisa at pangamba na baka paghigantihan ka.
Naranasan kong maging biktima ng kasamaan ng tao.
Noong guro ako sa isang unibersidad, may mga nang-api sa akin kahit wala naman akong kasalanan. Nakipag-partner ang gobyerno ng Pilipinas sa aming paaralan para ituro ang “Labor-Management Cooperation” (Pagtutulungan ng manggagawa at tagapamahala) para magkaroon ng kapayapaan sa bansa. Noong una, lahat kaming mga guro ay inimbitahang magturo. Paglipas ng panahon, kami na lang ni Dekano ang inimbitahan dahil hindi marunong tumimpla ang iba naming kasama. Sa pagtuturo nila, sinisisi nila ang mga employer kaya magulo ang industriya ng bansa. Sa ebalwasyon ng mga kalahok, mataas ang grado ko at ni Dekano, subalit mababa ang sa iba. Kaya sa mga sumunod na programa, kami na lang ni Dekano ang inimbitahan. Nagtampo at nagalit sa amin ang mga kasama namin.
Nang matapos ang termino ni Dekano, siya ay nag-Sabbatical leave. Naiwan ako sa paaralan. Biglang lumitaw ang mga sikreto kong kaaway. Nagkaisa silang itulak akong magbitiw sa trabaho, bagama’t ako ang may pinakamataas na ebalwasyon mula sa mga estudyante. Gusto ko sanang maghiganti sa kanila; plano kong ihabla sila. Subalit pinayuhan ako ng kaibigan kong Kristiyano, “Ipasa-Diyos mo na lang sila. Pasensiyahan mo na lang sila; naiinggit kasi sila e. Binabato ang punong mangga na maraming bunga.” Hindi ko itinuloy ang paghabla. Ipinasa-Diyos ka na lang sila. Sumunod ako sa turo ni Jesus na “mahalin ang aking mga kaaway.”
Ang nangyari, sunod-sunod ang pagpapala ng Diyos sa akin. Nagkaroon ako ng trabaho sa Makati at tumanggap ng suweldong makalimang beses ang laki. At isa-isang pinagbitiw ng unibersidad sa trabaho ang mga nang-api sa akin. Pinagpapala nga ng Diyos ang mga nagmamahal sa kaaway.
May isa pa akong kuwento. Dating mahirap lang kami noong bata pa ako.
Nang magsasampung taong gulang ako, naisipan ng mga magulang kong magtayo ng isang real estate business. Dahil sa kanilang sipag, tiyaga at katipiran, nakaalpas kami sa kahirapan. Nang mag-80 taong gulang ang papa ko, ipinasa niya ang pamamahala ng family corporation sa aming magkakapatid. Dahil sa magandnag pagtuturo nila sa amin, natuto kaming magkaisang magkakapatid. Pinatakbo namin nang mabuti ang negosyo. Bawat taon, mayroon kaming stockholders meeting at pumipili ng Board of Directors. Nag-arkila kami ng ilang manggagawa. Ang iba kong mga kapatid ay naging empleyado rin ng kumpanya. Sa katapusan ng taon, ibinabahagi namin ang dibidendo ng negosyo. Sang-ayon sa turo ng papa ko, hindi kami nagbebenta ng anumang ari-arian ng kumpanya. Para lumaki ang dibidendo, pinalalaki namin ang negosyo. Hanggang ngayon, buhay na buhay pa rin ang aming korporasyon.
Hindi laging pereho ang aming mga opinyon. At kung minsan, parang naaagrabyado ang ilang kapatid sa kapasyahan ng nangangasiwa ng korporasyon. Subalit umiiwas kami sa matinding away. Alang-alang sa Diyos at sa aming mga magulang, pinamamayani namin ang kapatawaran at pagmamahalan.
Dahil dito, matatag ang aming korporasyon at tumatanggap ng biyaya ang lahat.
Samantala, mayroon kaming kamag-anak na mayaman mula nang bata pa sila. Ang ama ay batikang abogado na maraming minanang kayamanan mula sa umampong tiya. Ang ina ay anak ng haciendero. Ang dami nilang ari-ariang minana mula sa kanilang mayayamang ninuno. Subalit hindi gaanong maganda ang halimbawang ipinakita ng mga magulang sa kanilang mga anak. Mabarkada ang mga magulang at laging wala sa bahay. Dahil kunsintidor o absentee ang mga magulang, lumaking matatapang, agresibo, at walang kinakatakutan ang mga anak.
May ilang nagtapos ng kolehiyo, subalit ang ilan ay hindi. Nang ipamana ng mga magulang ang mga ari-arian ng pamilya sa kanilang mga anak, may ilang matatalinong anak na nagdesisyong gawing family business ang mga ari- arian para huwag maubos kaagad. Subalit dahil hindi sila nasanay na magkaisa, magmahalan, o magtulungan, naging magulo ang kanilang relasyon. Ang ilang kapatid na hindi marunong mangasiwa ng pera ay nagigipit. Gusto nilang ibenta ang mga ari-arian ng pamilya; subalit hindi sang-ayon ang iba na marunong sa pera. Dahil sa pagkakaiba ng kanilang pananaw, madalas mauwi sa bangayan at pananakot na maghablahan sa korte.
Malungkot isiping dahil sa kakulangan ng pagmamahalan, nauuwi sa paghihiganti, pagkakawatak-watak, at pagkawala ng ilang ari-arian.
Tama ang turo ng Panginoong Jesus, “Mahalin ang iyong kaaway.” Huwag siyang ituring na kaaway. Gawin ang makakaya para ang kaaway ay magbago at maging kaibigan mo. Ang pagmamahalan ay nagbubunga ng kapayapaan at kaunlaran. Ang paghihiganti ay nauuwi sa sakit ng damdamin at pagkapariwara.
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)