TURO NI JESUS: MAMUHUNAN NANG MATALINO

“ANG KAHARIAN ng langit ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nahukay ito ng isang tao ngunit agad itong tinabunan. Tuwang-tuwa siyang umalis at ibinenta ang lahat ng kanyang ari-arian upang bilhin ang bukid na iyon.” (Mateo 13:44)

Para guminhawa ang buhay, kailangan ay may trabaho ka. Pero para yumaman, kailangang mamuhunan ka. Maganda naman ang employment (pamamasukan), subalit addition (pagdadagdag) lang ito; ang negosyo ay multiplication (pagpaparami). ‘Pag empleyado ka, puwedeng maging katamtaman ang pinansiyal mong kalagayan; maaari mong maabot ang antas ng Middle Class (Antas katamtamang yaman). Subalit kung negosyante ka, depende sa galing, diskarte at sipag mo, puwede kang maging mayaman; puwedeng maabot mo ang pagiging Rich Class (Antas Mayaman). Maraming aspeto ang pagyaman. Ang pagiging mayaman sa salapi ay isang bahagi lamang.

Mayroon ding pagyaman sa larangan ng espirituwal, pag-iisip, psycho-emosyonal, professional, pakikpag-kapwa, pangkalusugan, atbp.

Kung pagyaman sa salapi ang pag-uusapan, maaabot iyan sa pamamagitan ng pagiging mahusay na negosyante. Ang magaling na negosyante ay mahusay mamuhunan. Ang pamumuhunan ay ang pagpasok ng kaunting salapi para makatanggap ng mas malaking salapi. Ang sabi ng salawikaing Chino, “If little money does not go out, great money will no come in.” (Kung hindi lalabas ang maliit na pera, hindi papasok ang malaking pera.)

Nagturo si Jesus ng magandang prinsipyo sa matalinong pamumuhunan. Ang sabi niya, ang Kaharian ng Langit ay tulad ng pagpapalit ng bagay na maliit ang halaga para sa bagay na mas malaki ang halaga. Ibig niyang sabihin, walang anumang bagay sa lupa ang maihahalintulad sa dakilang halaga ng pagpasok sa Kaharian ng Langit. Ang sinumang gustong maligtas ay dapat handang umiwan ng lahat para makamit ang langit.

Ang prinsipyo ng pamumuhunan ay ito: ang maliit na kayamanan ay dapat ipagpalit sa mas malaking kayamanan. Halimbawa, bumili ka ng isang
bagay na nagkakahalagang isang daang piso. Humanap ka ng taong papayag na bilhin ang bagay na iyon mula sa iyo sa halagang dalawang daang piso. Kaya ang isang daang piso mo ay magiging dalawang daang piso na. Magdodoble ang pera mo. Basta ang importante ay hindi ka namimilit o nanloloko sa kapwa. Dapat bukal sa loob ng kausap mo na makipagpalit sa iyo.

Halimbawa, noong taong 2000, may isang matandang babaeng nagbenta sa akin ng lote niya sa isang subdivision sa halagang P200,000 dahil kailangan niyang magpaopera ng kanyang mata; mayroon siyang sakit na katarata.

Tamang-tama naman na mayroon akong naiipong ganoon ang halaga. Ipinagpalit ko ang pera ko para sa lote niya.

Paglipas ng panahon, gumanda ang lugar na iyon at tumaas ang presyo ng lote. Sa kasalukuyang taong 2024, lumapit sa akin ang isang tao para bilhin ang lote ko. Maganda ang kita niya dahil isa siyang seaman (marino) na kumikita ng dolyar. Sinabi kong ang presyo ng lote ko ay dalawang milyong piso. Pumayag siya sa ganoong halaga.

Hindi ko siya pinilit o dinaya; tapat na tapat ang aming usapan. Kaya ang 200,000 piso ko noong taong 2000 ay naging dalawang milyon sa taong 2024.

Ginamit ko ang salaping iyon para gumawa ng maraming proyektong pagsasaka sa probinsya kung saan ako nakatira ngayon. Nag-alaga ako ng maraming manok at nagtanim ng maraming gulay at mga punong-prutas. Nagpagawa rin kami ni misis ng isang fishpond.

Minsan, nakasabay ko sa eroplano ang isang lalaking taga-Tandag, Surigao del Sur. Ikinuwento niyang ang kanyang pinsang babae ay dating empleyado sa gobyerno. Kinukulang ang suweldo niya dahil lumalaki na ang kanyang pamilya. Nag-isip siya kung anong negosyo ang puwede niyang pasukan. Napanood niya sa YouTube na magandang negosyo pala ang agroponics gardening. Mabuti na lang at may ipon siya. Nagsimula siya sa kusina ng kanilang bahay. Ipinuhunan niya ang ipon niya para gumawa ng maliit na agroponics garden na gawa sa styropore. Nagtanim siya ng mga lettuce. Sa ilalim ng styropore, naglagay siya ng sisidlang may tubig na punong-puno ng mga minerales na kailangan ng halaman. Nakasawsaw sa tubig ang ugat ng kanyang lettuce. Makalipas ang dalawang buwan, maaani na ang lettuce niya. Sa pamamagitan ng Facebook, inalok niya ang mga lettuce niya sa isang hotel sa kanyang bayan. Umorder ang isang hotel at tuwang-tuwa ito sa kalidad ng kanyang gulay. Ang maliit niyang kapital ay dumoble bigla.

Umorder uli ang hotel. Kailangan na niya ng mas malaking agroponics garden. Kaya, ipinuhunan niya ang kanyang ipon, giniba ang lumang garahe nila, ginawa itong
greenhouse, at pinalawak ang agroponics garden. Dumami ang hotel na gustong bumili ng lettuce. Ipinuhunan niyang muli ang ipon niya at ginawang greenhouse ang buong bakuran ng bahay niya. Nang lumaki at dumami pa ang mga order, nirentahan niya ang mga bakanteng lote sa palibot ng kanyang bahay at ginawang greenhouse.

Ngayon, iniimbitahan niya ang kanyang mga pinsan na sumunod sa kanyang halimbawa dahil hindi niya matugunan ang demand ng mga hotel para sa lettuce. Para tayo yumaman, maging mahusay tayong mamumuhunan. Ang turo ni Jesus, ipagpalit ang bagay na maliit ang halaga para sa bagay na mas malaki ang halaga.

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc. Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)