TURO NI JESUS: PUMILI KA NG PINAKAMAHUSAY

“ANG kaharian ng langit ay katulad din ng isang lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng sari-saring isda. Nang mapuno ang lambat, hinila ito sa pampang. Naupo ang mga tao habang tinitipon nila sa sisidlan ang mabubuting isda at itinatapon naman ang mga isdang hindi mapapakinabangan.” (Mateo 13:47-48)

Para makatiyak tayong mataas ang kalidad ng anumang bagay na gusto nating bilhin o maangkin, dapat ay marunong tayong kumilatis. Kung bibili tayo ng pagkain, dapat ay sinasala muna natin ang ating binili para hindi tayo mapasukan ng masama o sirang pagkaing maaaring maghatid ng sakit. Ako ay isang magsasaka. Pag nagtatanim ako ng anumang binhi, inilalagay ko muna sa tubig; sinasala ko ang mga binhi dahil hindi lahat ng ito ay mabuting klase at tutubo. Halimbawa, kung gusto kong magtanim ng munggo, papaya, okra, kalamansi, kamatis, o anupamang gulay, inilalagay ko muna sa tubig. Lahat ng lumulutang ay itinatapon ko dahil ang mga ito ay malamang na sira o kaya ay hindi tutubo.

Pag mag-aarkila ng mga manggagawa ang isang kompanya, kailangang salain muna nila ang mga aplikante.

Siyempre, ang mga nag-a-apply ng trabaho ay magpapakitang- gilas dahil gusto nilang maempleyo. Habang ini-interview sila, hindi nila ipakikita ang tunay nilang ugali. Magsasabi silang masisipag sila. Dapat kilatising mabuti muna sila. Dapat ay makita o mabasa ang tunay nilang pag-iisip at pag-uugali bago sila piliin para magtrabaho sa kumpanya.

Pag naarkila na ang isang tao, hindi na madaling tanggalin siya, sakaling madidiskubreng hindi pala talagang karapat-dapat siya. Maraming Labor Laws (Batas Manggagawa) ang nagpoprotekta sa mga karapatan ng mga manggagawa. Halimbawa, noong nagtatrabaho pa ako sa isang malaking kompanya, may empleyado kaming nagnakaw o nanuntok ng manager. Batay sa aming Personnel Manual, ang mga kasalanang ito ay parurusahan ng pagkatanggal sa trabaho. Marami ang ebidensiyang nagpapatunay na masama talaga ang ugali ng taong iyon. Kaya tinanggal siya sa puwesto ng kanyang manager. Subalit nakalimutan ng kinauukulang manager na magbigay muna ng “due process” o pagkakataong magpaliwanag ang empleyado, na siyang inaatas ng Labor Code (Batas Manggagawa). Kumuha ang masamang empleyado ng abogado. Nagreklamo sila sa Department of Labor and Employment (DOLE); sinabi nilang hindi raw makatarungan ang pagkakatanggal sa kanya dahil hindi siya binigyan muna ng pagkakataong magpaliwanag ng kanyang pagkakasala bago siya tanggalin. Nagkaroon ng mahabang paglilitis sa DOLE. Kahit na napatunayang talagang nagnakaw at nanakit ang empleyadong natanggal, subalit dahil sa kawalan ng due process, iniutos ng DOLE sa kompanya na ibalik sa puwesto ang nagkasalang empleyado at bayaran ang lahat ng suweldo niya mula nang tinanggal siya sa trabaho hanggang matapos ang paglilitis.

Kahit magreklamo ang kompanya, wala silang magawa. Nanalo ang magnanakaw na empleyado. Ganyan kahirap magtanggal ng empleyadong nakapasok na sa kompanya. Ito ang dahilan kung bakit may kasabihang Chino, “If you suspect a man, do not employ him. If you employ a man, do not suspect him.” (Kung pinagsususpetsahan mo ang isang tao, huwag mong arkilahin. Kung nag- arkila ka ng tao, huwag mong pagsususpetsahan). Pag pinagsusupetsahan mo ang empleyado mo, panghihinaan ng loob ito dahil hindi siya pinagkakatiwalaan ng kanyang amo.

Kung bibili ka ng anumang produkto, dapat ay hindi ka bili nang bili agad at hindi muna pinag-aaralan. Dapat ay magsasaliksik o magka-canvass ka muna bago bumili. Hanapin mo muna ang pinakamagandang kalidad at pinakamainam na presyo.

Minsan, may dapat akong bilhing bagay para kumpunihin ang isang sira sa aking bahay. Kasakay ko sa kotse ang biyenan kong babae. Pumunta ako sa dalawang tindahan para kumilatis ng produkto at umalam ng presyo. Lumabas ako ng tindahan at humanap ng iba hanggang matunton ko ang pinakamagandang presyo. Nang mahanap ko ang pinakamura, saka ako bumili. Nagkomento ang biyenan ko sa aking asawa, “Bilib ako kay Rex. Napaka-wise pala niya. Kaya pala marami siyang ipon, kasi hindi siya basta bumibili kaagad. Humahanap muna siya ng pinakamagandang presyo. Ang tatay mo kasi, kung may bibilhin, bibili kaagad kahit magkano ang presyo.”

Madalas na mayroon akong proyekto para sa GIZ, isang German NGO, para magpatupad ng Entrepreneurship Development Program para sa mga maralitang tao ng maraming bansa sa mundo. Dahil sa awa nila, tinatanggap nila sa programa kahit na sinong maralitang taong nag-apply sa seminar. Subalit hindi sila gumagawa ng selection process. Kahit sino, basta maralita, ay tinatanggap nila. Subalit dahil sa hindi nakilatis nang maigi, marami sa mga participants na ito ay wala naman talagang planong magnegosyo. Ang motibo nila sa paglahok ay upang makatanggap ng pera mula sa gobyerno ng Alemanya, o kaya ay makakain ng libreng masarap na pagkain, o kaya ay makakilala ng mga malalaking tao. Pagkatapos ng programa, hindi sila magpapasimula ng negosyo. Nasasayang ang malaking perang ginugugol para sa programa. Sa ebalwasyon, lumilitaw na hindi epektibo ang aming programa dahil kakaunti lang sa mga kalahok ang nagtayo ng negosyo.

Ang sabi ni Jesus, ang Kaharian ng Langit ay tulad sa isang mangingisda na may maraming huling isda, na umuupo muna para piliin ang mabubuting isda at iyon ang inilalagay sa kanyang sisidlan; ang mga pangit na isda ay itinatapon pabalik sa dagat. Para maganda ang resulta ng ating trabaho, negosyo, agrikultura, o ano mang gawain, sumuri muna tayo ng mga tao, binhi o hilaw na sangkap, para matiyak na magiging maganda ang ating resulta. Pag mataas ang uri ng ating gawain, dadami ang masasayang customer, at uunlad ang gawaing iyon.
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)