TURO NI JESUS: SUMAMA KAY JESUS NA MAG-IPON

“ANG hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi ko kasamang mag-ipon ay nagkakalat.” (Mateo 12:30)

Nilikha ng Diyos ang sanlibutan para maging tirahan ng tao. Plano sana ng Panginoon na gawing tagapamahala ng daigdig ang tao, subalit dapat ay nasa ilalim sila ng pamumuno ng Maylikha. Tao ang kinatawan ng Diyos sa lupa.

Iyan ang dahilan kung bakit nilikha ang tao sa larawan ng Diyos. Ubod nang talino ang tao. Hindi kayang masukat ang dulo ng kanyang abilidad. Kung kasama niya ang Diyos, walang imposible sa kanya. Ito rin ang dahilan kung bakit iniutos ng Panginoon kina Adan at Eba, “Binibigyan ko kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa tubig, sa mga ibon sa himpapawid, at sa lahat ng mga hayop na nasa ibabaw ng lupa.” (Genesis 1:27). Inilagay ng Diyos ang mga unang tao sa Hardin ng Eden upang “ito’y pagyamanin at pangalagaan.” (Genesis 2:15). Napakasarap ng buhay ng tao noon. Wala silang anumang pangangailangang hindi nakakamit. Puspos sila ng ginhawa at kaligayahan.

Sa kasawiang-palad, sumuway sila sa Diyos, kaya nawala ang kanilang pamumuno sa sanlibutan. Napailalim sila sa kapangyarihan ng kaaway ng Diyos. Naging magulo ang buhay nila. Tumalikod sa Diyos ang kanilang saling-lahi at sumamba sa mga diyos-diyosan. Sumamba sila sa araw, buwan, mga bitiun at mga bagay sa mundo. Katunayan, ayon sa kasaysayan, may panahong ang mga sinaunang Pilipino ay sumasamba sa mga buwaya, matatandang punong-kahoy, mga anito at diwata. Pahirap nang pahirap at palala nang palala ang buhay nila. Namuno ang ilang mararahas na tao sa ibabaw ng mga mahihinang tao. May kaunting mayaman at makapangyarihan at napakarami ng mga alipin at walang lakas. Sa kabila ng mga paghihirap na ito, nangusap pa rin ang Diyos sa mga tao sa pamamagitan ng mga propeta at ipinangako niyang magpapadala siya ng Tagapagligtas, na tinatawag na “Mesiyas.”

Sa takdang panahon, dumating si Jesus bilang Tagapaglitas ng sangkatauhan. Nagturo siya ng dakilang karunungan.

Nagpagaling siya ng mga may sakit. Nagpakain siya sa mga nagugutom. Bumuhay siya ng mga patay. Marami siyang ebidensiyang ipinakita para patunayang siya ang Tagapaglitas na ipinangako ng Diyos Ama. Siya ang umako ng kasalanan ng sangkatauhan. Namatay siya sa krus para bayaran ang kasalanan ng tao. Itinuro niya, “Lumapit sa akin, lahat kayong napapagal at bibigyan ko kayo ng kapahingahan.” Itinuro niya, “Naparito ako sa lupa upang hanapin at iligtas ang naliligaw.” (Lucas 19:10). Sinabi pa niya, “Naparito ako upang bigyan kayo ng buhay – buhay na may kasaganaan” (Juan 10:10) at “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6). Walang ibang kaligtasan kundi si Jesus. Walang pag-asa ang tao liban kay Jesus.

Ano ngayon ang gagawin ng tao? Puwede niyang tanggapin si Jesus o tanggihan siya. Anuman ang desisyon ng tao ay may kaukulang kahihinatnan. Kung tatanggapin si Jesus, magkakaroon ang sinumang tao ng buhay na walang hanggan at buhay na masagana. Kung tatanggihan siya, ang tao ay walang buhay na walang hanggan at wala ring buhay na masagana.

Ang kuwento tungkol kay Jesus ang pinaka-importanteng balita sa buong daigdig. Ayaw ni Jesus sa mga taong namamangka sa dalawang ilog. Kung si Jesus ang katotohanan, sundin siya. Kung siya ay bulaan, tanggihan siya.

Hindi puwede ang doble-kara o nagdadalawang-isip. Ang hinahanap ni Jesus mula sa susunod sa kanya ay “wholeheartedness” o buong-buong puso. At nagbabala siya, “Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi ko kasamang mag-ipon ay nagkakalat.”

Lahat ng kakilala kong buong-pusong sumusunod kay Jesus ay pinagpala at may lubos na kaligayahan. Mayroon silang masaganang buhay. Ang malungkot nga lang, may ilang taong sumunod kay Jesus sa simula, subalit hindi matanggihan ang aliw na inaalok ng mundo, kaya sila ay tumalikod (nag-“apostasy”). At napariwara ang kanilang buhay. Naalala ko ang isang taong ang pangalan ay Bobot. Ang magulang niya ay may-ari ng isang paaralang malapit sa squatters area. May kaya sila. Marami ang sumunod sa kanya. Sila ang mga siga ng lugar. Lagi silang naglalasingan at gumagamit ng droga. Subalit nang ipangaral ko ang ebanghelyo ni Jesus sa lugar nila, maraming dating tagasunod ni Bobot ay naging tagasunod ni Jesus at nagbago ang buhay nila. Nakasama ko sila sa pag-akay sa ibang mahihirap para sumampalataya kay Jesus. Marami ang pinagpala. Subalit si Bobot ay ayaw sumama sa amin.

Katunayan, naging pinuno siya ng mga lumalaban sa Diyos. Nang magpalabas kami ng pelikulang “The Burning Hell,” natakot si Bobot at tumanggap kay Jesus. Nagkaroon ng ilang pagbabago sa buhay niya. Subalit dahil sa pride, hindi siya sumama sa pag-aaral ng Bibliya, kaya bumalik na naman siya sa dating masamang ugali, at naging mas malala pa. Naging mastermind siya ng mga pagnanakaw sa lugar at pagtutulak ng droga. Ilang beses na nahuli siya ng pulis, subalit nakakalaya dahil sa pagbabayad ng suhol. Subalit sa ika- sampung beses na siya’y nahuli, hindi na siya pinalaya. Habang buhay na siyang nabubulok sa bilangguan. Sayang! Isa siyang taong hindi nag- iipong kasama ni Jesus, kundi ay nagkakalat ng lagim sa lipunan.

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)