“ANG isang propeta’y iginagalang kahit saan maliban sa kanyang sariling bayan at sariling sambahayan.” (Mateo 13:52)
May kasabihan ang mga Amerikano, “Familiarity breeds contempt.” (Ang pagiging pamilyar ay nagbubunga ng paghamak). Ang ibig sabihin nito, kapag bagong kakilala mo pa lang ang isang tao, naninimbang ka pa, nag- iingat kang huwag makasakit ng kanyang damdamin, gusto mong magpakita ng magandang pakikitungo, kaya ingat na ingat ka at magalang sa iyong kilos at pananalita. Subalit kapag matagal mo na siyang kilala, komportable ka na sa kanya, kaya parang nawawala na ang pag-iingat mo sa pakikitungo sa kanya. Hindi ka na masyadong magalang sa kanya. Halimbawa, nang nagsisimula pa lang ang isang lalaking manligaw sa isang babaeng nagugustuhan niya, sobra pa siyang maingat sa kanyang pananalita at kilos; napakamaginoo niya; gusto niyang hangaan at magustuhan siya. Gusto niyang papaniwalain iyong babae na siya ay isang maginoo, sinsero, at karapat-dapat na tao. Subalit kapag naging matagal na silang magkasintahan o kaya ay matagal na silang mag-asawa, nakakalungkot dahil ang dati niyang maginoong pagkilos ay dahan- dahang naglalaho; lumalabas na ang kanyang tunay na ugali. Hindi na siya natatakot magpakita ng magaspang o ‘di magalang na pakikitungo. Mali ito! Hindi dapat ganito; subalit ganito talaga ang madalas na masaklap na nangyayari. Ito ang ibig sabihin ng “Familiarity breeds contempt.”
Nagreresulta ito sa pagkasiphayo ng kalooban, sakit ng damdamin, pagkasira ng relasyon, pag-aaway o mas masahol pa. ‘Pag nawala ang paggalang sa isa’t isa, maglalaho rin ang dating kaligayahang tinamasa nila noong una.
Naranasan ng Panginoong Jesus ang ganitong masamang pagtrato. Ipinanganak siya sa Bethlehem, subalit lumaki sa bayan ng Nazareth. Habang lumalaki siya, marami siyang naging kakilala at kalaro. Nagkaroon siya ng maraming nakababatang kapatid. (Tingnan sa Mark 6:3; Matthew 13:55). Nang nasa hustong gulang na siya, natuto siya ng pagkakarpintero kagaya ng kanyang amain na si Jose. Hindi gaanong may-kaya ang kanilang pamilya, kaya hindi siya napadala sa paaralan. Nag-self study si Jesus sa pamamagitan ng pag-aaral ng Banal na Kasulatan. Marami silang mga kapitbahay na mas mayaman kaysa kanila. Maraming mga bantog na mga Rabbi (Guro) sa kanilang bayan. Ang pamahalaan ay nasa ilalim ng mga mananakop na Romano. Nang mamatay ang amain niyang si Jose, si Jesus, sa edad na 30 taong gulang, ay nagsimula nang magministeryo.
Lumipat siya sa bayan ng Capernaum. Naglakbay siya sa buong probinsya ng Galilea at nangaral.
Binigyan siya ng Diyos ng pambihirang karunungan at kapangyarihang gumawa ng mga dakilang kababalaghan – nagpagaling siya ng lahat ng uri ng sakit, nagpalayas siya ng mga demonyo, nilinis niya ang mga may ketong, pinagaling ang mga bulag, bingi, at pipi; pinalakad ang mga pilay, binuhay ang mga patay, at pinakain ang libo-libong tao. Kumalat ang balita tungkol sa kanya; nakilala siya pati sa ilang bayan sa labas ng Israel – Decapolis, Tiro at Sidonio. Nang bumisita siya sa Nazareth, nakapagtataka subalit ang mga taong nakakakilala sa kanya ay humamak sa kanya at hindi siya tinanggap nang mabuti. “Familiarity breeds contempt.” Hindi sila naniwala sa kanya.
Nagbulung-bulungan at pinuna nila si Jesus na nagsasabi, “Saan niya nakuha ang ganyang karunungan gayong hindi naman siya nakapag-aral? Paano siyang nakakagawa ng mga himala?
Kilala natin siya, di ba? Siya si Jesus na isang hamak na karpintero at anak ng karpintero. Kilala natin ang kanyang inang si Maria at mga kapatid na sina Santiago, Jose Jr., Jude, Simon, at ang kanyang mga kapatid na babae.” Dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya at pagtanggi sa kanya, hindi gumawa si Jesus ng maraming milagro roon. Nagpatong lang siya ng kamay niya sa ilang may-sakit at pinagaling sila. Dahil sa pagtanggi sa kanya, umalis siya at nagministeryo sa ibang lugar.
Sayang! Kung tinanggap sana ng mga taga-Nazareth si Jesus, malaking pakinabang sana ang naranasan nila. Nakarinig sana sila ng mga katuruang makapagpapabago ng buhay. Nakamalas sana sila ng maraming kababalaghang magpapalaki ng kanilang pananampalataya sa Diyos.
Gumaling sana ang marami nilang maysakit. Binuhay sana ang mga namatay nilang mahal sa buhay. Nakakain sana ang marami nilang nagugutom na kababayan. Subalit dahil sa kanilang pagtanggi, malaki ang kawalan nila. Mga hangal sila!
Naranasan ko rin ang ‘di magandang pagtanggap sa akin ng ilang tao, dahil lamang sa kakilala nila ako at kamag-anak ko sila. Naging isa akong international trainer at consultant. Kinuha ako ng ilang international organizations para magpatupad ng mga proyekto sa higit 20 bansa – Montenegro, Macedonia, Nigeria, Namibia, South Africa, Tanzania, Oman, Pakistan, Bangladesh, Sri-Lanka, Mongolia, China, South Korea, Vietnam,Thailand, Laos, Cambodia, Indonesia, Fiji, Brazil, atbp. Hinihingi nila ang opinyon at payo ko para mapabuti ang mga proyekto nila. Sa Pilipinas, kinukuha ako ng maraming ahensiya ng gobyerno, mga pribadong kompanya, at mga NGO para hingin ang aking payo. Subalit may mga kamag-anak akong hindi kumokonsulta sa akin dahil mas bata ako sa kanila. Dahil sa kanilang hindi maluwag na pagtanggap sa akin, hindi ko sila mapayuhan ng mabuti para sana gumanda ang kanilang kalagayan sa buhay. Kawalan nila ito.
Nagsilbi ako sa squatters area; maraming dating maralita ang natuto sa akin, at ngayon ay mayroon na silang sariling matagumpay na negosyo, bahay at lupa. Samantala, ang ilan kong kamag-anak na tumanggi sa akin, hanggang ngayon, ay walang sariling bahay at lupa, o magandang pagkakakitaan.
Sayang! Kaya, para tayo yumaman sa malinis na paraan, tanggapin sana natin ang mga hinirang na mensahero ng Diyos.
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)