TURO NI JESUS: TIYAKING MABUTI ANG IYONG BUNGA

“SA bunga nakikilala ang puno.” (Mateo 12:33)

Kapag ang isang punong-kahoy ay mabuti ang bunga, gusto mong alagaan ito nang mabuti at paramihin ang kanyang lahi. Kung hindi ito nagbubunga makalipas ang mahabang panahon, parang gusto mo nang putulin at sunugin na lamang.

May kuwento si Jesus tungkol sa isang punong igos (fig tree) na hindi nagbubunga. Ang may-ari ay laging pumupunta sa punong iyon para sana makapitas ng prutas. Subalit ilang taon nang hindi ito nagbubunga. Sa inis ng may-ari, iniutos niya sa kanyang katiwala, “Putulin mo na nga ang punong iyan. Wala siyang silbi. Bakit ba makikiagaw pa ng sustansiya ng lupa ang punong iyan?” Subalit nanghinayang iyong katiwala at sinabi, “Sir, bigyan ninyo pa po ng isang taon ang punong iyan. Bubungkalin ko ang lupa sa paligid niya at lalagyan ng pataba. Baka sakaling mapabunga ko pa. Subalit paglipas ng isang taon ay hindi pa rin siya magbubunga, puputulin ko na at susunugin.” (Tingnan sa Lucas 13:6-9)

Ganito ang malungkot na nangyari sa bansang Israel. Sila ang piniling bayan ng Diyos alang-alang sa katapatan at pananampalataya ng kanilang ninunong si Abraham. Ang intensiyon sana ng Diyos ay gawin ang Israel na maging patotoo ng Diyos tungkol sa karunungan at kabutihan ng Maykapal sa buong mundo. Dapat sana ay magiging ilaw at asin ng sanlibutan ang Israel. Sila dapat ang magpapatunay sa katotohanan ng Diyos at sa tumpak niyang mga katuruan; at sila dapat ang magiging tagapagturo ng mga prinsipyo ng Diyos sa ibang mga bansang hindi nakakakilala sa Panginoon. Subalit hindi tinupad ng Israel ang kanilang tungkulin. Hindi sila nagbunga ng mabuti.

Naging mga hambog sila. Tumalikod sila sa Diyos at sumamba sa mga diyos-diyosan. Naging masama ang kanilang halimbawa.

Nagpadala ng maraming propeta ang Diyos para ipaalam ang kanyang kalooban, subalit tinanggihan at pinatay ng mga Israelita ang mga banal na taong ito. Nang dumating ang matagal nang hinihintay na Mesiyas – si Jesus – tinanggihan din nila siya, ipinapako sa krus; at pati ang mga tagasunod ni Jesus ay inusig, pinahirapan at pinatay.

Kaya tuloy, noong taong 70 AD, dumating ang parusa ng Diyos. Ang isang malaking hukbo ng mga Romano ay umatake at winasak ang bansang Israel. Nawalan ng bansa ang mga Judio sa loob ng halos dalawang libong taon.

Ang tungkulin para maging ilaw at asin ng mundo at tagapagturo sa ibang bansa tungkol sa mga prinsipyo ng Diyos ay napunta sa mga Kristiyano. Subalit ang naging pinakamalaking sekta ng mga Kristiyano ay tumalikod din sa dalisay na katuruan ni Jesus, at nagpasok sila ng mga tradisyon at mga doktrinang gawa-gawa lang ng tao at wala sa Bibliya. Inusig at pinapatay nito ang maraming kapwa-Kristiyano. Kaya nahati ang pananampalatayang Kristiyanismo.

Marami ang nagtaguyod ng kilusan para ibalik ang Kristiyanismo sa orihinal at lantay na katuruan ni Jesus. Gusto sana ng Diyos na ang mga tagasunod niya ay humayo at gawing alagad ni Jesus ang lahat ng mga bansa sa mundo.

Nauunawaan ko ang ligayang magkaroon ng mabungang punong-kahoy at ang kalungkutan na magkaroon ng hindi nagbubunga. Sa farm ko sa Mindanao, sa gitna ng aking mga tanim, may biglang tumubong isang punong papaya na pambihira ang dami ng kanyang bunga. Hindi ko alam kung saan nanggaling iyon. Sabi ng katiwala ko, baka raw nanggaling sa isang ibon. Pero ang tingin ko, regalo ito ng Diyos para sa akin. Tuwang- tuwa kami ng misis ko dahil sa halos isang daang prutas na tumutubo sa kanya. Gusto sana naming paramihin ang lahi ng magandang papayang ito. Subalit pagkahinog ng ilang bunga, pagpitas at pagbukas namin ng prutas, wala pala itong mga buto.

Napakinabangan namin ang masarap na bunga, pero nanghihinayang kami dahil akala namin ay hindi namin mapaparami ang magandang lahi niya. Subalit isang araw, nakapitas ang misis ko ng isang malaking hinog na bunga; at pagbukas niya, bumulaga sa kanya ang napakaraming buto. Nagdiwang kami ng misis ko. Kaya kinolekta ko ang mga buto, nilinis, pinatuyo sa ilalim ng araw, at itinamin. Ngayon ay nananabik kami ni misis dahil, kung magtatagumpay kami, magkakaroon kami ng maraming magandang punong papayang hitik-hitik sa bunga.

Masisiyahan kami sa pagkain ng prutas at marahil ay mabebenta namin ang ilan para naman kumita kami ng kaunti.
Nag-aalaga rin ako ng mga manok. May nakapagsabi sa aking malakas mangitlog ang lahing Rhode Island Red na manok. Kaya bumili ako ng ilan. Bumili rin ako ng manok-bisaya. Bumibili ako ng pagkain ng layer para kahit na walang tandang, mangingitlog pa rin ang mga babaeng manok. Napatunayan kong totoo nga – ang Rhode Island Red na manok ay nangingitlog ng isang itlog bawat araw. Samantala, ang manok-bisaya ay nangingitlog ng isa sa dalawang araw o mas madalang pa; ang iba pa nga ay hindi nangingitlog. Dahil dito, bumili ako ng iba pang Rhode Island Red na manok para dumami ang mga itlog na aming maaani at mapapakinabangan. Ang mga manok-bisayang ayaw mangitlog ay kinakatay na lang namin at ginagawang ulam.

Nakakalugod ang maraming bunga.

Subalit nakakasiphayo ang walang bunga. Ang bunga ng isang tao ay ang kanyang kapasyahan, salita at kilos. Para malugod ang Diyos sa atin at pagpalain tayo, ingatan natin ang ating mga kapasyahan, salita at kilos. Para tayo yumaman ng malinis, tiyakin nating lahat ng ating bunga ay sang-ayon sa kalooban ng Diyos.

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)