TURO NI JESUS: TUMUGON SA PANGANGAILANGAN NG KUSTOMER

“WALANG nagtatagpi ng bagong tela sa isang lumang kasuotan. Sapagkat kapag umurong ang bagong tela, mababatak nito ang tinagpian at lalong lalaki ang punit. Wala ring nagsasalin ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag ganoon ang ginawa, puputok ang balat, matatapon ang alak, at mawawasak ang sisidlan. Sa halip, isinasalin ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat; at sa gayon, kapwa ito nagtatagal.” (Mateo 9:16-17)

Mahirap magbago. Mahirap mag-adjust (makibagay sa mga makabagong paraan). Pag nakasanayan mo nang gawin ang isang bagay, mahirap nang palitan iyon. Kaya pa rin namang magbago kung talagang gugustuhin, pero may mahabang “relearning process” (paraan ng pagpapalit ng lumang natutunan at mag-aral ng bagong paraan).

Halimbawa, noong kabataan ko hanggang kolehiyo, usong-uso ang typewriter para sa pagsusulat ng term paper. Lahat ng mga opisina noon ay may maraming typewriter at iyon ang ginagamit ng mga empleyado para magawa ang kanilang trabaho. Subalit ngayon, halos wala nang gumagamit ng typewriter; napalitan na ito ng computer. Kung typewriter pa rin ang gagamitin mo, magiging katawa-tawa ka at aabutin ka ng siyam- siyam para matapos ang trabaho mong pagsusulat. Ang mga matatandang empleyado na nakasanayan na ang paggamit ng typewriter ay may “resistance” (o pag-ayaw) na matuto ng makabagong kagamitan gaya ng computer. Ang reklamo nila, “Matanda na ako para matuto pa niyan.”

Mabuti na lang at ako ay nakasabay sa paggamit ng computer at laptop. Ito ang lagi kong ginagamit para makapaglingkod sa aking mga kliyente. Lahat ng mga proposals ko na ibinibigay sa customer ay nagagawa ko sa pamamagitan ng computer. Noong unang panahon, blackboard at chalk ang ginagamit ng mga guro sa pagtuturo sa paaralan. Pagkatapos, napalitan ito ng overhead projector. Pagkatapos, napalitan ito ng LCD projector at powerpoint presentation. Ngayon, mga dambuhalang flat, wide TV monitor na ang ginagamit. Ganyan talaga ang buhay; pana-panahon lang iyan. Iba ang metodo ng ating mga lolo; iba ang sa ating mga magulang; iba ang sa ating henerasyon; at iba rin ang sa mga kabataan.

Ang bilis ng pagbabago ng teknolohiya. Ang mga kabataan ngayon, mayroong kabataang millennial, may Gen-X, may zoomer, atbp.

Noong panahon ni Jesus, ganoon din ang naging problema ng mga Judio. Sa Lumang Tipan, ang paraan ng Diyos para maligtas ang tao ay sa pamamagitan ng pagtupad ng lahat ng mga kautusan ng Diyos ng 100% pagsunod. Pag sumira ka kahit na sa isang kautusan, mapapariwara ka. At wala ngang sinumang taong nakatupad sa mga kautusan ng Diyos nang walang paltos. Ang sabi ng Bibliya, “Walang matuwid, wala kahit isa. Walang nakakaunawa, walang naghahanap sa Diyos. Ang lahat ay lumihis ng landas at nagpakasama. Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa.” (Roma 3:10-12)

Dahil walang nakatupad sa kautusan ng Diyos nang perpekto, ang lahat ng tao ay namemeligro na maparusahan sa impiyerno. Kaya dumating si Jesus. Iba na ang paraan ng Diyos para sa kaligtasan ng tao sa Bagong Tipan. Hindi na ito sa pamamagitan ng perpektong pagtupad ng mga kautusan, kundi sa pamamagitan na ng pananampalataya kay Jesus na siyang namatay sa krus para bayaran ang kasalanan ng sangkatauhan. Ang kaligtasan ay sa pamamagitan na ng biyaya o habag ng Diyos. Ang sabi ng Bibliya, “Sapagkat ibinigay sa pamamagitan ni Moises ang kautusan; ang biyaya at ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.” (Juan 1:17)

Sa panahon ngayon, malungkot na mayroon pa ring ilang Kristiyanong nabubuhay ayon sa Lumang Tipan. Pinagpipilitan pa rin nilang maligtas sa pamamagitan ng perpektong pagtupad ng mga kautusan ng Diyos. Laos na iyan! Lumang Tipan pa iyan. Nasa Bagong Tipan na tayo ng kaligtasan sa pamamagitan ng simpleng pananamplataya sa Panginoong Jesus. Sinabi ni Pablo, “Manampalataya ka sa Panginoong Jesus at ikaw ay maliligtas.” (Gawa 16:31) May mga taong hindi maka-adjust sa bagong pamamaraan ng Diyos. Kaya ang sabi sa Hebreo 8:13, “Nang sabihin ng Diyos ang tungkol sa bagong tipan, pinawalang-bisa na niya ang una. At anumang nawawalan ng bisa at naluluma ay malapit nang mawala.” Nagpapakahirap ang ilang tao ng walang kabuluhan. Ang kaligtasan ay sa pamamagitan lamang ni Jesus, wala nang dagdag, wala nang iba.

Sa larangan ng pagyaman, ang prinsipyong dapat nating sundin ay: ibigay mo sa customer kung ano ang gusto o kailangan niya. Mali ang “ibenta mo kung ano ang ginagawa mo.” Ang tama ay: “Gawin mo ang produktong gusto o kailangan ng customer mo.” Kaya sa pagpaplano ng negosyo, ang unang-unang aspeto ay “Marketing,” bago production. Kailangan mong gumawa ng market research. Magtanong-tanong ka sa mga potensiyal na mamimili, “Ano ba ang kailangan niyo?” O “Ano ba ang gusto niyo?” At pagkatapos, iyon ang gagawin mo. Halimbawa, may kakilala akong taong napakahusay na artist-craftsman. Magaling siyang gumawa ng mga produkto. Pulido ang gawa niya. Sumasali siya sa mga toy convention sa Manila. Ang problema ay halos walang bumibili sa kanya. Maganda nga ang produkto niya subalit hindi ito kailangan ng mga tao at masyadong mahal ang presyo na lampas sa kakayahan ng mamimili. Kaya laging nasisiphayo ang kakilala ko.

Sa negosyo ko, kapag may kliyente ako, ang unang ginagawa ko ay “Training Needs Analysis.” Tinatanong ko ang kliyente kung ano ang gusto o kailangan nila. Batay sa kanyang sagot, saka pa lang ako gagawa ng proposal na ang nilalaman ay kung ano ang tutugon sa pangangailangan ng customer. Kaya nagtagumpay ang aking negosyo. Kaya para magtagumpay ang anumang adhikain natin, sundin natin ang payo ng Panginoong Jesus, “Isalin ang bagong alak sa bagong sisidlan.” Mag- adjust ka sa pangangailangan ng customer.

♦♦♦♦♦

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)