TURO NI JESUS: UMIWAS SA DEMANDAHAN

“KUNG may ibig magsakdal sa iyo, makipag-ayos ka agad sa kanya bago makarating sa hukuman ang inyong kaso. Kung hindi ay dadalhin ka niya sa hukom, at ibibigay ka nito sa tanod, at ikukulong ka naman sa bilangguan. Tandaan mo: hindi ka makakalabas doon hangga’t hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang barya na dapat mong bayaran.” (Mateo 5:25-26)

Naninirahan tayo sa baluktot at masamang daigdig. Mayroon nga tayong gobyerno subalit madalas walang panahon o malasakit ito para tumulong kapag nalagay ka sa alanganin o kaapihan; kaya tuloy, hindi mo makukuha ang hinahangad mong katarungan.

Marami akong naging proyekto sa gobyerno. Masasabi kong sinsero talagang tumulong ang maraming tao sa gobyerno. Marami silang mga programa para sana mapaunlad ang buhay ng ordinaryong tao.

Subalit ang madalas nilang ireklamo, “Kulang kami sa tao” o “Kulang ang budget namin para tumulong sa inyo.” Dahil sa kakulangan ng pera, madalas na ang tulong nila ay para sa pangkalahatan. Kung ikaw ay nag-iisang tao lamang, at naging biktima ka ng kawalan ng katarungan, madalas na hindi ka mapag-aaksayahan ng panahon o pera para tulungan. Ang maaaring sabihin nila, “Paumanhin, subalit marami pa kaming dapat gawing mas mahalaga kaysa tulungan ka.”

Madalas din, ang priority ng gobyernong tulungan ay ang mga maralitang tao. Iyong mga taong mukhang may kaya, kahit na mabuting magbayad ng buwis ang mga ito, ay bahala na sa buhay nila.

Mayroon tayong mga korte para makinig at magdesisyon sa mga kaso ng mga taong nagtutunggali. Subalit kailangang mag-arkila ng abogado para maipaglaban ang kaso mo. Malaking pera ang kakailanganin!

Mayroon nga tayong Public Attorneys Office (PAO) pero ang gusto nilang tulungan ay ang mga maralita. At kung tumatakbo na ang kaso mo, ang haba ng proseso. Halos abutin ka ng katandaan para maabot ang hustisya. Ang maaaring ikatuwiran ng ilang hukom, “Ang dami ng mga kaso kong hinahawakan. Kulang kami sa tao. Ang liit-liit pa ng suweldo ko.” Kaya kahit na “may sistema ng hustisya sa Pilipinas,” pero sa katotohanan, dahil sa kabagalan ng proseso, para ring walang hustisya. “Justice delayed is justice denied” (Ang hustisyang mabagal ay hustisyang ipinagkait).

Sa tagal na maresolba ang kaso, marami ang namatay na lamang o kaya’y hinayaan na lamang na maapi sila. Halimbawa, ang anak ko ay nabangga ng motorsiklo ng taong lasing. Malaki ang nasira sa sasakyan ng anak ko.

Nagsampa siya ng kaso dahil mayabang at walang pagsisisi ang salarin. Wala masyadong pera ang anak ko, at wala siyang makuhang murang abogado sa probinsya, kaya naisipan niyang humingi ng tulong sa Public Attorneys Office. Ang sinabi sa kanya ng empleyado, “Sir, mga mahihirap lang ang tinutulungan namin.

Mukha namang maykaya kayo. Mag-arkila na lang kayo ng sarili niyong abogado.” Nang mapagtanto ng anak kong lalo siyang mapapagastos, hinayaan na lang niyang maging biktima siya ng kawalan ng katarungan.

Isa pang halimbawa, ang misis ko ay sobrang maingat magmaneho. May isang truck na puno ng kalalakihan ang bumangga sa sasakyan ng misis ko. Tinawag ako ng misis ko para tulungan siya dahil pinagtatawanan at binabastos siya ng mga kalalakihan. Ang masama pa, inalis ng driver ng truck ang sasakyan niya mula sa sitwasyon ng pagkakabangga para magmukhang wala siyang kasalanan.

Naisipan ng misis ko na sampahan ng kaso ang bastos na driver. Subalit, grabe ang hirap na dinanas namin sa kaso.

Gusto ng city hall na um-attend kami ng personal sa lahat ng pakikinig sa kaso. Tatawagan kaming pumunta, subalit pagpunta namin, paghihintayin kami ng maraming oras dahil marami pang ibang kaso ang nauna sa amin. Pag-abot na sa kaso namin, idedeklara ng hukom, “Postponed ang hearing”. Siguro makasampung beses na ginawa niya ito.

Nauubos ang oras namin! Marami kaming trabahong nabinbin dahil sa tagal ng kaso. Sa kahulihulihan, nang nasa probinsya kami ni misis para maglingkod sa isang kliyente, biglang tumawag ang korte na dapat daw ay um-attend kami ng susunod na hearing.

Hindi namin kayang pumunta sa hearing dahil nasa probinsya kami. Dahil hindi kami nakarating, basta na lang na-dismiss ang kaso namin. Kawalan na naman ng katarungan!

Huling halimbawa. Ang papa ko ay matipid na tao. Ang panganay kong kapatid ay nasa America at nilapitan siya ng hipag niya para kumbinsihin ang papa kong mamuhunan sa negosyo niya. Kinausap ng kuya ko ang papa ko, subalit nag-alinlangan ang papa ko. Namilit ang kuya ko at ang sabi pa, “Kung hindi man magandang puhunan ito, kunin mo na lang sa mamanahin ko.” Sa madaling salita, namuhunan nga ang papa ko.

Subalit ang hipag ay isa palang dakilang manloloko. Marami na ang na-scam niya sa America. Nadenggoy ang kawawa kong papa. Nagsampa siya ng kaso laban sa hipag. Inabot ng mahigit sampung taon ang kaso. Gumastos ng napakalaki ang papa ko para mapanalo ang kaso.

Sa wakas, bumaba ang hatol ng korte, at panalo ang papa ko. Ang problema, paano niya masisingil ang magnanakaw? Ang sabi ng abogado, “Mahihirapan po kayong makuha ang perang award niyo dahil lumilitaw na wala nang kahit anong ari-arian ang hipag na masisingil niyo.” Pasensiyahan na lamang! Hinayaan na lang ng papa ko na wala siyang makuhang katarungan.

Ganyan kabaluktot ang mundo. Kaya, turo ni Jesus, “Makipag-areglohan na lang kaysa umabot sa korte.” Ito rin ang sabi ng isang salawikaing Chino, “Win the lawsuit and lose your money.” (Manalo nga sa demanda, mauubos naman ang iyong pera).

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)