NEGROS ORIENTAL- SINIMULAN na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pakilusin ang karagdagang puwersa ng Philippine Army sa lalawigang ito kasunod ng send off Ceremony sa Barangay Salag, Siaton, Negros Oriental para tugisin ang mga nalalabing suspek sa Degamo slay case at pairalin ang kaayusan dito.
Ayon kay AFP Visayas Command (VISCOM) Commander Lt. General Benedict Arevalo, anim na batalyon ang kanilang idineploy na kinabibilangan ng tropa mula 11th; 94th; 79th; 62nd; 15th; at 47th Infantry Battalion.
Idineploy ang mga tropa sa 2nd at 3rd District ng Negros Oriental para tumulong sa Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng Joint Law Enforcement Operations tungo sa agarang paghuli sa mga nalalabi pang mga suspek sa brutal na pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at walong iba pa.
Alinsunod ito sa kautusan ni Department of National Defense (DND) Officer-In-Charge, Senior Undersecretary Carlito Galvez Jr., at AFP Chief-of-Staff, General Andres Centino kasunod ng paglikha ng Joint Task Force Negros para sa pagpapanumbalik ng peace and order sa lalawigan.
Samantala, posible umanong isang ex-soldier ang lider ng private armed group or liquidation squad na nasa likod ng pagsalakay at pagpaslang kay Gov Degamo.
Sa isang panayam inihayag ni Maj. Cenon Pancito III, acting spokesperson ng Joint Task Force Negros, base sa mga ibinigay na deskripsyon, base sa training, may basehan para isipin nilang maaaring isang dating tauhan din ng Philippine Army ang namuno sa may sampu katao na sumalakay sa Degamo compound .
Matatandaan, nadakip ang 5 sa mga sinasabing gunmen ng gobernador at tatlo rito ay pawang mga dating sundalo kung saan ang isa sa kanila ay napatay sa isang engkuwentro.
Habang pinaghahanap pa ang kanilang mga kasamahan pati na ang hinihinalang mastermind dahil hindi naman umano kikilos ang nasabing armed group na sarili lamang nila kung walang nag-uutos.
“That’s why if we can get into the one who led the 10-man team that stormed the house of Gov. Degamo, I think there will be a clear picture of our hypothesis to the situation,” ani Pancito. VERLIN RUIZ