TUTUKAN ANG KARAHASAN SA HALALAN

MAHIGIT apat na linggo na lang pala, eleksiyon na.

Habang papalapit, sunod-sunod ang nangyayaring krimen.

May kandidatong bigla na lang niraratrat habang nasa isang event.

‘Yung iba, itinutumba ng riding-in-tandem.

Hindi nawawala ang mga ganyang insidente habang papalapit ang botohan.

Talagang gumagamit ng dahas ang ibang kandidato para mapigilan ang kalaban sa politika.

Papatay para manatili sa kapangyarihan.

Lahat na yata ng paraan ay ginagawa para hindi mamayani ang katunggali.

Natatandaan ko pa, noong 2016 sa Maguindanao ay may nangyaring pananakot daw sa mga botante para hindi matuloy ang botohan.

Ilang public schools sa Sultan Mastura ang pinasabog.

Kaya hindi nagamit ang mga ito bilang polling precincts.

Binira ng shoulder-fired grenades at anti-tank rockets ang mga paaralan.

Ang gusto talaga ng mga salarin ay wasakin para hindi mapakinabangan sa eleksiyong iyon.

Wala namang ibang magkakagulo sa botohan kundi ang magkakalaban sa politika.

Parehong gustong manalo.

Gagawin ang lahat ng paraan para maging mabango sa mga botante.

Tinatayang 66 milyong Pilipino habang 1.6 milyon mula sa labas ng bansa ang registered voters para sa May 9 elections.

Mahigit 18,000 local government at congressional posts ang pinag-aagawan.

Iba naman ang nangyari sa Abra matapos mapatay ang isang security personnel ni Pilar Vice Mayor Jaja Josefina Disono nang makabarilan daw ang mga pulis.

Pinaniwalaan daw kasi ni Disono na ambush iyon habang inilarawan ito ng pulisya bilang armed encounter.

Pauwi na raw si Disono sa kanilang bahay galing sa municipal hall nang mangyari ang barilan.

Huminto raw ang sasakyan niya sa isang checkpoint at pinadaan na rin kalaunan.

Pinababa raw ng mga pulis ang isa sa kanyang mga tauhan.

Malamang daw natakot kaya sumunod sa kanila hanggang sa binakbakan na raw ng mga pulis na ikinasawi ng isa sa kanyang mga tauhan.

Sa panig naman ng Philippine National Police (PNP), bandang alas-10:30 ng umaga sa Barangay Poblacion ay dumaan sa checkpoint ang isang Toyota Hiace na sinasabing kinalululanan ni Disono.

Ngunit binangga raw ng sasakyan ang dalawang personnel ng Regional Mobile Force Battalion 15 na nagsisilbing rear security noong mga oras na iyon.

Agad na hinabol ang sasakyan hanggang sa magpaputok daw ito.

Depensa ni Police Regional Office Cordillera (PROCOR) chief Police Brigadier General Ronald Lee, hindi naman ambush kundi armed encounter ang nangyari dahil ang grupo raw ni Disono ang unang nagpaputok kaya napilitan silang gumanti.

Naniniwala naman ako na hanggamg maluwag ang pagpapatupad ng gun ban ng Comelec at PNP ay hindi mawawala ang election-related violence.

Kung minsan, sa pagpapatalbugan nagkakaroon ng iringan ang mga magkakalaban.

‘Yung iba, ayaw malamangan kaya nauuwi sa patayan.

Kumbaga, matira ang matibay.

Para hindi maisahan ng kalaban, nag-aarmas na ang mga politiko.

Diyan marahil nabubuo ang private armed groups o PAGs.

Naitatatag ang iba’t ibang hukbo para hindi maagrabyado ng kalaban.

Ang ganitong senaryo ang pinaghahandaan ng Philippine National Police (PNP), Philippine Army (PA), at Comelec.

Kaya naman, itinakda rang pagbuo at paglagda ng mga peace covenant sa buong bansa upang maiwasan ang pagdanak ng dugo mula sa magkakalaban sa pplitika.

Hindi dapat magrelaks-relaks ang PNP at AFP sapagkat mabilis magbuo ng hukbo ang mga politiko.

Nag-iisip pa lamang ang PNP, naisakatuparan na ng mga magkakalabang politiko ang kanilang mga plano.

Mahalagang siguruhin ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na maging mapayapa at malinis ang pambansang halalan.