TUTUKANG MABUTI ANG SEKTOR NG AGRIKULTURA

KUNG ang mga eksperto ang tatanungin, magiging maganda raw ang takbo ng ekonomiya ng Pilipinas ngayong 2022 o maging sa mga susunod pang taon.

Aangat daw ang kabuhayan.

Nakikita raw nila ang mga palatandaan.

Para nga kay Finance Secretary Benjamin Diokno, ang agriculture growth ang magiging susi upang mapuksa o kaya’y mabawasan ang kahirapan sa bansa.

Siyempre, ang agri sector ang nakikita ni Diokno na isa sa mga mag-aangat sa ating ekonomiya.
Lalago aniya ang ekonomiya ng 6.5 hanggang 7.5 percent ngayong taon.

Nasa 6.5 hanggang 8 percent naman sa 2023 hanggang 2028.

Nakita rin ang pag-arangkada ng Philippine economy ng 8.3 percent sa first quarter ng taong kasalukuyan.

Bunsod ito ng 0.2-percent growth sa agriculture, forestry, at fishing sectors.

Importante ang papel sa pagpapalago ng agrikultura sa pagpapaangat naman sa agri-business sector dahil magkakaroon ito ng impact sa manufacturing.

Sabi ni Diokno, sa paglago ng agri, mining, at iba pang industriyang naka-angkla rito ay maraming makakaahon sa kahirapan.

Sa pinakahuling datos naman ng Philippine Statistics Authority (PSA), lumalabas na umakyat ng 23.7 percent ang poverty incidence sa unang semestre ng 2021 mula sa 1.1 percent sa kaparehong panahon noong 2018.

Ang numerong iyon ay katumbas daw ng 26.14 million Filipinos na namumuhay sa ilalim ng poverty threshold o tinatayang P12,082 ang kita kada buwan para sa pamilyang may limang miyembro noong unang bahagi ng nakalipas na taon.

Sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA), inamin ni Pangulong Bongbong Marcos na ang sektor ng agrikultura ang isa sa mga ‘main driver’ ng paglago ng ekonomiya at pagdami ng trabaho.

Kaya mahusay na desisyon din ang pansamantalang pagtimon ni Pangulong Marcos sa Department of Agriculture (DA) habang wala pa siyang napipisil na karapat-dapat na mamumuno rito.

Kasama rin sa mga magiging key driver ng economic growth ay ang foreign direct investments.

Asahan na rin daw ang pagpasok ng mas maraming foreign investments matapos makalusot ang ilang economic liberalization bills, tulad ng amendments sa Retail Trade Liberalization Act, Foreign Investments Incentives Act, at Public Service Act.

Mahalaga ring suportahan ang mga nasa agri sector at himukin ang mga kabataan na magsaka o magtanim ng iba’t ibang produkto.

Sa Cordillera Administrative Region (CAR), hinahangaan si Ryan Palunan bilang pinakabatang Regional Agricultural and Fishery Council (RAFC) Chairperson sa kasaysayan ng Agriculture and Fishery Councils (AFCs).

Kung hindi ako nagkakamali, ang 25 taong gulang na magsasaka mula sa Baguio City, ay nailuklok noong Marso bilang RAFC Chairperson para sa taong 2022.

Kamakailan, hinimok ng batang lider ang mga kabataan na gamitin ang pagkamalikhain at ideyalismo sa pagbuo ng mga polisiya at rekomendasyon na magmo-modernisa sa sektor ng agrikultura.

Pagdating aniya ng panahon, pakikinabangan ito ng mga nasa industriya.

Dapat daw na makilahok, lumapit, at makipag-usap ang youth sector sa mga magsasaka upang makalikha ng mga akmang polisiya para sa mga ito.

Para kay Palunan, ang kanyang bagong papel ngayon ay maituturing na inspirasyon at hamon na magpursigi para sa ikauunlad ng pinaglilungkuran niyang sektor.

Maging si Philippine Council for Agriculture and Fisheries (PCAF) OIC Executive Director Liza Battad ay saludo sa mga kagaya ni Palunan.

Pinahahalagahan daw ng council ang volunteer work ng AFC members, tulad ng ginagawa ni Palunan, na naglalaan ng oras at pagsisikap para sa ikabubuti ng kanilang organisasyon.

Sa kabilang banda, maraming mapagkukunan ng ikabubuhay sa bansang ito at isa na nga riyan ang sektor na kinabibilangan ni Palunan.

Ang agri sector na maraming pagkukunan ng pagkakakitaan ay importanteng mas tutukan pang mabuti ng administrasyong Marcos.

Kapag maayos ang sistema kung paano lulutasin ang problema, hindi malayong matatakasan natin ang kahirapan at kagutuman nang mas mabilis sa inaasahan.