KAHIT tinaasan na ang buwis sa sigarilyo at alak, tila wala pa rin itong epekto.
Tuluyang naisabatas ang Sin Tax Reform Law o ang Republic Act No. 10351 noong 2012 upang mabawasan ang mga tumatangkilik ng sin products.
Kung hindi ako nagkakamali, noong sumunod na taon, umarangkada ang pagpapataw ng sin tax at magkakaroon naman ng pagtaas na 4% kada taon hanggang taong 2024.
Nagkaroon din ng bagong tax sa yosi at alak noong Hulyo 2019.
Sa totoo lang, kulang pa ang buwis na ito. Dapat higit pa rito para ma-discourage ang marami, lalo ang kabataan na magbisyo.
Ang pinakamababang halaga ngayon ng yosi kada stick ay nasa P7 at P9 naman ang pinakamataas, depende sa brand.
Matindi ang naidagdag sa presyo ng alak lalo pa’t ilan sa mga kilalang brand ay imported.
Ang resulta, magtatapon muna ng libong piso ang mga manginginom bago makainom ng brandy o whisky.
Matagal-tagal na rin mula nang ipagbawal ang advertisement ng mga yosi.
Ang matindi, gumagawa naman daw ng paraan ang mga manufacturer para maging maluwag sa kanila ang mga polisiya ng gobyerno.
Sa kabila nga raw kasi ng panganib sa kalusugan na dala ng vapes at iba pang novel tobacco products, may nakalusot na panukalang batas sa Kongreso na pumapabor daw sa industriya at salungat naman sa public health protection.
Inilalarawan nga raw ng ilang industry-friendly lawmakers ang bill bilang proteksiyon at nagtataguyod ng ‘people’s right to health’.
Sa ilalim ng panukalang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act, pinapayagan ang mga indibidwal na 18 taong gulang pataas na bumili at gumamit ng electronic cigarettes at heated tobacco products (HTPs).
Mas liberal o maluwag daw ito kumpara sa kasalukuyang batas na 21 taong gulang lamang pataas ang pinapayagang magkaroon ng access dito.
Pinapayagan din ang online promotion ng mga produkto na ibinebenta na ngayon taglay ang iba’t ibang flavors o sangkap.
Ang nakadududa nga lang, sa halip na sa hurisdiksiyon ng Food and Drug Administration (FDA), ang Department of Trade and Industry (DTI) ang magre-regulate dito, bagay na tinuligsa ni Sen. Pia Cayetano.
Noong Dec. 16, 2021, lumusot sa huling pagbasa sa Senado ang bill na magre-regulate ng novel products.
Bago nangyari ito, nasa 192 sa 300 representatives ng Lower House ang bumoto pabor dito.
Isa naman si Cayetano sa dalawang senador na tumutol sa bill.
Maging si Rep. Dra. Angelina ‘Helen’ Tan, chair ng House Committee on Health, ay nagsabing nagbabalat-kayo lamang ang bill bilang isang health measure para sa lahat pero ang totoo raw ay kumikiling ito sa mga negosyante.
Noong Enero, taong kasalukuyan, ang consolidated measure o ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Production Regulation Act, ay naratipikahan ng dalawang sangay ng Kongreso.
Nawa’y pag-aralang mabuti ang panukala, lalo na ng susunod na administrasyon, dahil baka sa bandang huli (kung kailan ganap nang batas) ay doon na natin makikita ang mga butas.
Kapag nagkaroon ng access ang marami sa e-cigarettes at HTPs ay tiyak na magkakaroon ito ng epekto sa mga kakaunti ang sinasahod.
Dapat pa ngang taasan ang buwis sa yosi at alak, kasama na ang vapes.
Bunga ng mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo at pag-inom ng nakalalasing na inumin, gumagastos ng bilyong piso ang pamahalaan sa mga pampublikong ospital.
Kung wala nang magkakasakit dahil dito, ang pondong makukuha sa buwis ay maaari nang gastusin sa iba pang serbisyo publiko.
Tandaan na batay sa datos ng World Health Organization (WHO), tinatayang limang milyong tao ang namamatay taun-taon at maaaring lomobo ito sa walong milyon sa pagdating ng 2030 kung hindi magkakaroon nang seryosong kampanya sa paninigarilyo.
Magandang hakbang ang ginawa ni Pangulong Rodrigo Duterte noong unang taon niya bilang punong ehekutibo sa pag-aapruba ng taxes sa sigarilyo at alak.
Noon pa’y tutol na si Tatay Digong sa paninigarilyo.
Pag-isipan at pag-aralan nawa nang maigi ng susunod na Pangulo ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Bill.
Mahalagang paigtingin din ang implementasyon ng polisiya laban paninigarilyo sa mga publikong lugar.
Parusahan ang mga lalabag at huwag ningas-kugon sa pagpapatupad nito.