CAMP CRAME – INIHANDA na ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang 105 miyembro ng Chemical Biological Radiological Nuclear and high yield Explosives (CBRNE) personnel.
Ito ay bilang suporta ng PNP sa gobyerno sa repatriation ng overseas Filipino workers (OFWs) mula sa China sa harap na rin ng pinangangambahang pagkalat ng sakit ng novel coronavirus- Acute Respiratory Disease (nCoV-ARD).
Sinabi ni PNP Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa, ang mga CBRNE trained personnel ay nagmula sa PNP Special Action Force, PNP Health Service, PNP Crime Laboratory at PNP Explosives Ordinance Division- K9.
Aminado naman si Gamboa na wala silang kakayanang bigyan ng hazardous suit material ang lahat ng pulis nationwide na aabot sa 205,000 kaya tanging ang CBRNE trained personnel lamang ang gagamit nito na papalitan tuwing makalipas ang walong oras.
Bukod dito, iniutos na rin ni Gamboa sa lahat ng PNP regional directors, National Support Units ang mamigay ng face mask sa PNP personnel at ang paglalagay ng mga alcohol dispenser sa mga opisina sa loob ng kampo.
Layon pa rin nitong makaiwas ang mga pulis sa nakahahawa at nakamamatay na nCoV-ARD. REA SARMIENTO
Comments are closed.