BUMUO ng isang investigating team ang Bureau of Fire Protection National Capital Region (BFP-NCR) na siyang mag-sasagawa ng imbestigasyon sa naganap na sunog sa Star City na kilalang theme park sa Pasay City.
Sa pahayag ni Pasay City Fire Marshal Paul Pili, ang binuong team ay nag-umpisa ng magsagawa ng imbestigasyon.
Ayon kay Pili, nasa 90 porsiyento ng naturang theme park ang nasunog at sa pahayag ng management nito ay umaabot sa P1 bilyon ang natupok na ari-arian, subalit sa kanilang estimate na isinagawa ay umaabot lamang ito sa halagang P15 milyon.
Dagdag pa ni Pili na malalaman lang nila ang actual damage sa sunog matapos na ibigay sa kanila ng amusement park management ang mga kinakailangan dokumento.
Pahayag pa ni Pili na ang kanilang mga bombero ay nakaantabay hanggang gabi sa paligid na Star City sa posibilidad na biglang magkaroon ng mga pagsabog sa loob ng amusement park at upang mapigilan na rin ang pagpasok ng mga looter.
Ayon naman kay Ed de Leon, spokesperson ng Star City na nasa 25 rides at attractions ang nasira sa naturang sunog.
Ang mga nasira sa naganap na sunog ay ang Gabi ng Lagim, Dungeon of Terror, Bump Car Smash at ang Snow World.
Sa pahayag naman ni Atty. Rudolph Jularbal, spokesperson ng Elizalde Group of Companies, hindi naman nadamay sa sunog ang Aliw Theater. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.