DETERMINADO ang Department of Agriculture (DA) na makamit ang palay production target ngayong taon sa kabila ng epekto ng El Niño sa local rice sector.
Ayon sa DA, kumpiyansa ito sa target na 20.44 million metric tons (MT) ng palay harvest sa 2024, na mas mataas sa record-high output na 20.06 million MT noong 2023.
“We’re optimistic since it’s still early June. We’re still aiming for that. We’re doing our best to achieve that,” wika ni DA Undersecretary Chris Morales, na nangangasiwa sa Masagana Rice Industry Development Program.
Gayunman, sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay lumitaw na ang palay output sa first quarter ng 2024 ay bumaba ng 1.96% sa 4.69 million MT mula 4.78 million MT sa kaparehong panahon noong nakaraang taon dahil sa El Niño.
Sa datos ng DA, hanggang Mayo 16, ang El Niño ay nakaapekto sa 83,862 ektarya ng rice fields, na nagresulta sa volume loss na 185,561 MT na nagkakahalaga ng P4.60 billion.
Gayunman, sinabi ni Morales na lumapit ang DA sa iba’t ibang private organizations upang tulungan ang ahensiya na palawigin ang naaabot ng rice production program.
Aniya, ang palay harvest ay tumaas sa record high na 20.06 million MT noong nakaraang taon dahil sa tulong ng gobyerno, pangunahin ang mga programa na pinondohan ng taripa na nakolekta sa imported na bigas.
Ang Rice Tariffication Law ay naglaan ng P10 billion sa pamamagitan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund, o Rice Fund, upang i-mechanize ang rice farming at pagkalooban ang mga magsasaka ng good seeds at training sa mas mahusay na farming technologies.
PAULA ANTOLIN