(Tuwing makalawa) COVID-19 TEST SA NBA PLAYERS

Covid test

ISASAILALIM sa CO­VID-19 test ang mga NBA team tuwing makalawa simula sa Hunyo 23 habang naghahanda ang liga sa pagpapatuloy ng season sa Hulyo.

Batay sa report, nagpadala ang liga ng memo sa mga koponan noong Sabado, na nag-aabiso sa mga ito na ang mga player at importanteng team personnel na may kinalaman sa pagbabalik ng season ay isasailalim sa COVID-19 test at antibody test noong araw na iyon.

Plano ng NBA na ipagpatuloy ang season sa Hulyo 30 na may  22 teams na may tsansang makapasok sa playoffs sa Walt Disney World malapit sa Orlando, Fla.  Natigil ang season noong Marso 11 dahil sa coronavirus.

Matapos ang Hunyo 23, ang mga  player at staff ay isasailalim sa coronavirus test tuwing makalawa hanggang dalawang araw bago sila umalis patungong  Florida. Magsisimula ang training camp doon sa Hul­yo 9.

Hindi nakasaad sa memo kung ano ang magiging testing protocol sa Disney.

“The NBA has been assured that their testing will not deprive health care workers, first responders and symptoma­tic patients in each league city of adequate testing supplies,” ayon sa report ng ESPN.

Magsasagawa  rin ang liga ng libreng testing sa bawat isa sa 21 lungsod na may koponang kalahok sa ipagpapatuloy na season.

Comments are closed.