TVJ SA TV5 INAABANGAN NA

ILANG araw na lang at magbabalik-telebisyon na sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon na mas kilala sa tawag na TVJ, at ang Dabarkads sa bago nitong tahanan — TV5.

Marami ang nalungkot nang biglang magpaalam sa himpapawid ang TVJ at mga Dabarkads, ang mga orihinal na host ng Eat Bulaga, noong ika-31 ng Mayo.

Kaya naman, matapos ang halos isang buwang paghihintay ay excited na ang karamihan na mapanood ang pagbabalik ng TVJ at ng Dabarkads sa ere simula ngayong ika-1 ng Hulyo, para ipagpatuloy ang pagbibigay ng isang libo’t isang saya sa milyon-milyong Pilipinong manonood nito.

Sa ilalim ng kasunduan o “investment agreement deal” sa pagitan ng TVJ at MediaQuest, ang TV5 ang magiging bagong tahanan ng TVJ, gayundin ng iba pang mga host ng “Eat Bulaga” matapos nilang putulin ang pakikipag-ugnayan sa dating producer nila na Television and Production Exponents (TAPE) Inc.

Sa istoryang lumabas kamakailan sa OneNews.ph, tiniyak din ni TV5 Chairman Manuel V. Pangilinan o MVP na ibibigay ng TV5 ang buong suporta at media assets nito sa TVJ. Aniya, umaasa rin sila sa TV5 na magiging mahaba at masaya ang partnership nito at ng TVJ. Ang TV5 ang magiging ikaapat na opisyal na tahanan ng TVJ sa loob ng 44 na taon nito sa ere.

“The format under which we made arrangements with them is such that they are not talents anymore, but they are part-owners. But that’s a very important point for our group, we want the talents to work for us and with us as part owners of the business,” base sa pahayag ni Pangilinan na lumabas sa nasabing artikulo.

Idinagdag din ni Pangilinan, “We cannot fire them because they’re not just talents, but they’re co-owners of the business that they’re producing. So they’re a big part of the creative process, and they should be owners, and they should be acknowledged and treated as such.

Hindi na rin nagbigay ng komento si MVP sa kung ano ang nangyari sa TVJ at sa dati nitong producer. Aniya, “That’s not our job. But we felt obligated that if they’re looking for a home, for such an iconic entertainment phenomenon, it deserves a home. And it’s our obligation to provide them a home because that’s what the Filipinos love. It’s as simple as that.”

Malaking pasasalamat naman ng TVJ at ng Dabarkads kay MVP at sa pamunuan ng TV5 sa pagbibigay nito ng bagong tahanan sa kanila. Ani Tito Sotto, “The Dabarkads will continue to bring joy through TV5. We are thankful to our friends at MediaQuest for this fresh start. Dahil sa ating mga Dabarkads na naging Kapatid, tuloy pa rin ang tuwa’t saya na aming dala.”

Sa mga panayam, tumanggi muna ang TVJ na ipahayag ang pamagat ng kanilang bagong noontime show. Pero para kay Vic Sotto, “Eat Bulaga” pa rin kami. Ibinahagi naman ni dating Senador Tito Sotto na si Joey de Leon ang talagang nakaisip at nakaimbento ng pamagat na Eat Bulaga. Sa kasalukuyan, wala pa ring opisyal na pahayag sa kung ano ang magiging pamagat ng bago nilang palabas. Maging ‘Eat Bulaga’ man o ‘E. A. T. Bulaga,’ which stands for ‘Eto Ang Totoo,’ kami pa rin ‘yon. Anuman ang pangalan nito, sisikapin naming ipagpatuloy ito kahit na makalipas na 50 taon, ani Tito Sotto.

Siguradong abala na sa paghahanda ang buong production team nina TVJ at ng mga Dabarkads dahil ilang araw na lang ay maipagpapatuloy na nila ang pagbibigay ng isang libo’t isang tuwa sa milyon-milyong Pilipino.

Sa halos limang dekada na itinagal sa ere ng TVJ at ng orihinal na Dabarkads ng Eat Bulaga, hindi maitatanggi na maraming tao ang napasaya at natulungan nito sa pamamagitan ng mga premyong ipinamimigay nito, at maging ang pagkakataong maging artista ng ilang Pilipinong nadiskubre nito.

Kaya naman, siguradong kapana-panabik ang kanilang pagbabalik at tuloy muli ang walang puknat na pagbibigay ng isang-libo’t isang tuwa at saya, mapa-Aparri man o Jolo.