Mga laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
10 a.m. – FEU vs Ateneo (Men)
12 noon – FEU vs Ateneo (Women)
2 p.m. – DLSU vs AdU (Women)
4 p.m. – DLSU vs AdU (Men)
MAKARAANG makopo ang ika-13 sunod na Final Four appearance, ang La Salle ay nakatuon ngayon sa twice-to-beat incentive.
Subalit para kay assistant coach Noel Orcullo, ang Lady Spikers ay nagdadahan-dahan tungo sa pagkamit ng kanilang ultimate goal sa UAAP women’s volleyball tournament.
“Continuous pa rin naman. Tuloy-tuloy, one game at a time. Sabi nga namin, huwag muna tayong tumingin doon, ito muna, tapusin muna ang second round,” sabi ni Orcullo.
Hangad ng La Salle na makasiguro sa top two sa pagtatapos ng eliminations kung saan makakasagupa nito ang Adamson ngayong alas-2 ng hapon sa Mall of Asia Arena.
Umaasa ang Lady Spikers na maduplika ang kanilang 22-25, 25-14, 25-16, 25-19 first round win laban sa Lady Falcons.
Tangan ang league-best 10-1 record, ang La Salle ay angat ng delawang laro sa joint second placers Adamson, National University at University of Santo Tomas.
Sa malaking height advantage ng Lady Spikers, pinaalalahanan ni coach Jerry Yee ang Lady Falcons na isaisip ang basics kung nais nilang makabawi mula sa first round loss at kunin ang solo second place.
“Kailangan present kami. Kailangan present ‘yung first ball. Masarap ko sabihin na ‘yun lang, simple lang na problema pero ang laki ng domino effect. So dapat nandoon yung first touch, second touch and yung third touch, kapag hindi kami magre-react sa blocking ng La Salle, siyempre wala pa rin,” ani Yee.
“So kailangan ‘yung presence of mind namin. Kung ano napag-usapan, ma-implement namin and ‘yung kakaba-kaba, maka-recover agad,” dagdag pa niya.
Sa iba pang laro sa alas-12 ng tanghali ay makakaharap ng Far Eastern University, tatlong laro ang layo sa huling Final Four slot, ang also-ran Ateneo.