INIIWAS ni Tyler Tio ng Phoenix ang bola kay Raymond Almazan ng Meralco sa kanilang laro sa PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Araneta Coliseum. Kuha ni RUDY ESPERAS
Mga laro sa Biyernes:
(Araneta Coliseum)
4 p.m. – San Miguel vs Blackwater
8 p.m. – Meralco vs Terrafirna
NAKOPO ng Phoenix Super LPG ang inaasam na twice-to-beat advantage sa PBA Commissioner’s Cup quarterfinals makaraang pataubin ang Meralco, 93-83, nitong Miyerkoles sa Araneta Coliseum.
Nagningning si Fuel Masters skipper RJ Jazul, na kalmadong isinalpak ang isang clutch triple na nagpalobo sa kalamangan ng kanyang koponan, makaraang magbanta ang Bolts, na naghabol ng hanggang 14 points sa kaagahan ng fourth period, sa 83-88.
“In the last 50-plus seconds we wanted the ball on RJ’s hands,” wika ni Phoenix coach Jamike Jarin. “RJ has been in a thousand situations like this already, so we wanted him to make the right decisions.”
Sa panalo ay umangat ang Phoenix sa second-running 8-2 at sigurado na sa top four finish sa eliminations. Maaari nitong maselyuhan ang posisyon at ang win-once advantage laban sa seventh seed sa susunod na round kapag namayani ito sa TNT sa pagtatapos ng eliminations sa Linggo.
Sinabi ni Jarin na saka na niya iisipin ang playoffs kapag naroon na ang kanyang koponan.
“Nothing beyond TNT,” aniya.
Sa pagkatalo ay nahulog ang Meralco sa 7-3 kartada katabla ang walang larong San Miguel Beer at Barangay Ginebra sa third hanggang fifth spots.
Umaasa ngayon ang Bolts na magwagi kontra Terrafirma Dyip sa Biyernes at ang isa sa o ang parehong Beermen at/o Kings ay matalo para mapabilang sa mga koponan na mabibiyayaan ng twice-to-beat advantage sa susunod na round.
Kung hindi ay mahuhulog ang Meralco sa fifth at makakaharap ang No. 4 squad.
Nanguna si Jason Perkins para sa Phoenix na may 22 points at 8 rebounds habang nagdagdag si Johnathan Williams ng 19 points, 15 rebounds at 5 dimes.
Tumapos si Tyler Tio na may 15 points habang nagtala si 37-year-old Jazul ng 13, 11 sa second half.
Nalagay sa foul trouble sa second half, nakalikom pa rin si Shonn Miller ng 19 points at 9 boards para sa Meralco bago na-foul out sa huling 41 segundo.
Gumawa sina Chris Banchero, Chris Newsome at Bong Quinto ng hindi bababa sa 10 points para sa Bolts, na naghabol ng hanggang 16-31 sa kaagahan ng laro ngunit humabol upang sandaling kunin ang kalamangan sa 55-54 at naitabla ang talaan sa 57-57 sa third quarter.
CLYDE MARIANO
Iskor:
Phoenix(93) – Perkins 22, Williams 19, Tio 15, Jazul 13, Tuffin 6, Mocon 5, Rivero 5, Alejandro 4, Verano 2, Manganti 2, Camacho 0, Siyud 0, Garcia 0.
Meralco (83) – Miller 19, Banchero 15, Newsome 13, Quinto 10, Black 8, Almazan 8, Rios 5, Hodge 5, Pascual 0, Maliksi 0, Bates 0, Caram 0.
QS: 31-19, 54-47, 78-66, 93-83.