TYPHOON FATIGUE BINABANTAYAN NG DOH

NAKABANTAY ang Department of Health (DOH) sa posibleng kaso ng typhoon fatigue sa mga biktima ng bagyo at mga rescuer sa gitna ng magkakasunod na kalamidad sa bansa.

Sinabi ni Health Assistant Secretary Albert Domingo na patuloy nilang susubaybayan ang typhoon fatigue o burnout.

Hinimok naman ang mga health personnel na magbigay ng counseling  para sa mga  nananatili sa evacuation centers.

Paliwanag ni Domingo, kailangan din ng mental health follow-up para sa mga evacuee na may pre-existing conditions o dumaranas ng trauma dahil sa mga bagyo.

Nasa proseso naman na ang DOH sa pagpapahusay ng mental health monitoring at recording para sa depression at iba pang mental health conditions.

Hinihimok ang mga biktima ng bagyo na tumawag sa crisis hotline na 1553 kapag kailangan nila ng makakausap.

Matatandaang mahigit 100 ang nasawi sa bagyong Kristine na matinding pininsala ang mga bayan ng Talisay, Laurel at Agoncillo sa Batangas.

Marami ring naapektuhan na mga sakahan at pananim sa Northen Luzon sa mga nagdaang bagyo.