IPINAKITA ng bagitong Ateneo Blue Eaglets ang kanilang tapang upang masikwat ang Under-19 championship.
Naisalpak ni Fil-Australian rookie Cooper McLaughlin, na hinugot noong nakaraang NBTC national finals habang naglalaro para sa AusPinoy Sports Australia, ang game-winning basket, habang nakuha ni fellow Blue Eaglet aspirant Jonas Salandanan ang masamang inbounds pass upang mapangalagaan ang kalamangan, may 4.3 segundo ang nalalabi, at ihatid ang Ateneo sa 74-72 panalo laban sa Sacred Heart Academy of Novaliches (SHAN) sa Smart Breakdown Basketball Invitationals Under-19 championship kahapon sa Moro Lorenzo Sports Center.
Tila mapuputol na ang perfect season ng Ateneo sa kamay ng five-time Quezon City Athletic Association champions dahil naglaro sila na wala sina Batang Gilas players Kai Sotto, Gio Chiu at Forthsky Padrigao.
Dinispatsa ng Blue Eaglets ang Far Eastern University, 76-66, sa semifinals para sa 7-0 kartada. Kinailangan naman ng SHAN na gibain ang elimination round tormentor Emilio Aguinaldo College-Immaculate Conception Academy upang maisaayos ang final duel sa Ateneo.
Nais patunayan ng Blue Eaglets na kaya nilang manalo kahit wala ang kanilang star trio.
Sa pangunguna ng tatlong natira mula sa UAAP juniors title squad noong nakaraang season — Daniel David, Joaquin Jaymalin at Jed Diaz – nanalasa ang Ateneo sa first quarter, kung saan umabante sila ng hanggang 14 points, 25-11, matapos ang baseline jumper ni McLaughlin.
Subalit, ipinakita ng SHAN ang kanilang kakayahan para sa late-game heroics nang tapusin nila ang first period sa pamamagitan ng 5-0 run upang ilagay ang talaan sa 25-16.
Tumipa si Jaymalin ng 16 points, 5 rebounds, at 5 assists upang kunin ang Finals Most Valuable Player Award.
Sa kanyang rookie tournament para sa Ateneo, nagsalansan si McLaughlin ng 12 points, 6 rebounds at 3 assists. Nag-ambag naman si rookie Jynno Ladimo ng 11 points.
Comments are closed.