NAGBIGAY ng tulong ang United States government sa pamamagitan ng U.S Agency for International Development (USAID) ng P55- milyon o $1 million humanitarian aid para sa mga lugar na labis na napinsala ng Super Typhoon Carina.
“Let me just start by sending our deepest condolences to all the victims of the recent typhoon and to say again, anything we can do to be of assistance, we welcome doing that,” ani U.S. Secretary of State Antony Blinken Blinken tkay pangulong Bongbong Marcos Jr. sa ginanap na joint courtesy call kasama si US Defense Secretary Lloyd Austin III.
Inihayag ni Secretary of State Antony Blinken sa kanyang pagbisita sa Maynila noong nitong nakalipas na buwan ang tulong bilang sagot sa mga agarang pangangailangan ng mga apektado at mahihinang komunidad sa Bulacan, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Lanao Del Sur, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, maging sa National Capital Region, at Pampanga.
Sa pamamagitan ng nasabing halaga, ang USAID, sa pakikipagtulungan ng Catholic Relief Services and Action Against Hunger, ay magbibigay sa mga pamilya ng access sa food aid, hygiene kit, emergency shelter kit, malinis na tubig, at isang beses na cash transfer na magbibigay-daan sa kanila na makabawi mula sa sakuna nang ligtas at may dignidad.
“Ang Estados Unidos ay nagbibigay ng $1 milyon upang matiyak na ang tulong na nagliligtas-buhay ay umabot sa mga pamilya sa buong kapuluan na nasalanta ng matinding pagbaha at pagguho ng lupa,” pahayag ni USAID Acting Mission Director Betty Chung.
“Kami ay nakatuon sa pakikipagtulungan sa gobyerno at mamayang Pilipino sa kanilang muling pagtatayo at pagbangon mula sa kalamidad na ito.”
Mula noong Hulyo 16, ang USAID ay nagbibigay ng logistical assistance sa Philippines Department of Social Welfare and Development at Department of Human Settlements and Urban Development bilang tugon sa mga sakuna na baha at pag-ulan sa Mindanao at Central Luzon.
Sinuportahan din ng USAID ang International Organization for Migration sa pamamahagi ng 700 shelter-grade tarpaulin at ang World Food Program sa pagdadala ng 30,000 family food packs sa mga komunidad sa Mindanao.
Nitong mga nagdaang araw ay hinagupit ang malaking bahagi ng Pilipinas ng Bagyong Carina na sinabayan ng pinalakas na habagat at nagdulot ng malakas na pag-ulan, malawakang pagbaha, at pagguho ng lupa sa buong Pilipinas na pumatay ng hindi bababa sa 14 katao at naka apekto sa malaking bilang ng mga Piipino kung saan nasa mahigit 700,000 ang kailangamg mailikas ayon sa pinakabagong mga pagtatasa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Nakapagbigay na ang USAID ng mahigit Php3 bilyon ($50 milyon) sa disaster relief at recovery aid para sa Pilipinas mula noong 2021.
Patuloy itong nakikipagtulungan sa gobyerno ng Pilipinas sa pagpapahusay ng disaster resilience sa mga komunidad sa buong bansa.
“The United States is providing $1 million to ensure life-saving assistance reaches families across the archipelago who have been devastated by severe flooding and landslides. We are committed to working with the Philippine government and people as they rebuild and recover from this disaster,” ani USAID Acting Mission Director Betty Chung.
VERLIN RUIZ