U.S NAVY 7TH FLEET COMMAND SHIP NASA PILIPINAS; 4 BARKO NG CHINA NAMATAAN DIN

KASALUKUYANG nakadaong at nasa official port call sa Pilipinas ang United States Navy 7th Fleet flagship, ang USS Blue Ridge.

Ang USS Blue Ridge o ang LCC-19 ay isang amphibious command and control ship na may advance communication and information system para sa epektibong pangangasiwa sa Naval o maritime operations.

Kahapon ay bumisita ang Commander ng US Navy 7th Fleet (C7F) na si VAdm. Fred Kacher sa tanggapan ng Philippine Navy.

“We are glad we are here during these challenging times. This underscores all the things that our national leaders are saying with respect to our relationship as friends and partners,” pahayag ni Vice Adm. Kacher kasabay ng pahayag hinggil sa kanilang iron clad support sa PN.

Tinanggap siya ni Philippine Navy Vice Commander RAdm Cesar Bernard Valencia na kumakatawan kay Navy Flag Officer-in-Command VAdm. Toribio Adaci Jr.

Ang pagbisita ng US Navy 7th Fleet sa bansa ay sa gitna ng tumitinding hidwaan sa pagitan ng Pilipinas at China dahil sa pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.

Samantala, kasama rin sina Senator Francis Tolentino at Ambassador of the United States MaryKay L. Carlson sa mga sumalubong sa naging port call ng naturang barko.

Bago nito ay nagsagawa ng maneuvering exercise ang U.S. Navy 7th Fleet Flagship USS Blue Ridge (LCC 19), kasama ang French Navy Aquitaine-class frigate FS Bretagne (D 655) sa katubigang sakop ng bansa ilang araw na ang nakalipas.

Ang naturang exercise ay bahagi ng Valiant Shield 2024 military exercise na dinaluhan ng iba’t ibang mga bansa, kasama ang US, Japan, atbp.

Samantala, apat na barko naman ng China ang namataan sa karagatang sakop ng Pilipinas. Dalawang Chinese warship na naglalayag sa katubigang malapit sa Balabac Islands sa Palawan.

Ang Balabac Island ay matatagpuan sa katimugang bahagi ng Palawan kung saan matatagpuan ang isa sa mga Philippine bases na nakatakdang gamitin ng US Forces sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Ngayon lamang umano nakakita ang mga residente ng Balabac ng barkong pandigma ng mga Tsino na pumasok na malapit sa teritoryo ng Pilipinas.

Ang Balabac ay may layong 140 nautical miles mula sa Mischief reef na dati nang pinagtayuan ng mga Chinese ng ilang mga istraktura.

Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines kahapon na na-monitor nila ang apat na People’s Liberation Army (PLA) Navy vessels na naglalayag sa loob ng 12 nautical miles ng Palawan nitong linggo.

Kinilala ang AFP ang apat na barkong pandigma na PLAN destroyer Luyang III (DDG-168), ang frigate Jiangkai II (FFG-570), ang destroyer na Renhai (CG-105), at replenishment oiler Fuchi (AOR-907), na naglalayag sa timog kanlurang bahagi ng Balabac Strait nitong Miyerkoles.

“The vessels were challenged and “they responded accordingly,”

Ayon sa Philippine Navy…“Our capability to monitor and respond to such activities is a testament to our commitment to maritime domain awareness and the protection of our territory, sovereignty, and sovereign rights. Rest assured, the AFP remains vigilant in safeguarding our maritime interests.” VERLIN RUIZ