MAKARAAN ang masalimuot na yugto ng pandemya, unti-unti nang bumabangon ang Pilipinas mula sa dilim ng krisis.
Sa kabila ng mga pagsubok, ngayon ay nariyan ang mga pagkakataon para tuklasin ang lakas at determinasyon ng bansa na umangat mula sa hamon ng pandemya.
Bagama’t hindi pa ganap na bumabalik sa normal, napagtatanto natin ang unti-unting pag-usbong ng ilang sektor bunsod ng mga proyekto at programa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang pagbabalik ng operasyon ng ilang negosyo at industriya ay nagiging tanda ng pag-angat, at ito’y nagbibigay inspirasyon sa iba pang sektor na magbalik-loob sa sistema ng produksyon.
Ang papel ng pamahalaan sa pag-angat ng bansa ay kritikal. Ang mga programa para sa job creation at economic recovery ay nagbibigay ng pag-asa sa mga naghihirap na sektor.
Dapat lamang na ituloy at palakasin pa ang mga hakbang na ito upang masiguro ang tuloy-tuloy na pagsulong ng ating bansa.
Hindi rin matatawaran ang papel ng pribadong sektor sa pagpapatibay ng ekonomiya.
Ang mga negosyo, maliit man o malaki, ay may mahalagang bahagi sa paglikha ng mga trabaho at pag-angat ng kita ng mga pamilyang Pilipino. Ang suporta ng mamimili sa lokal na produkto at serbisyong gawang Pilipino ay nagbibigay-daan sa pag-usbong ng lokal na industriya.
Ang malasakit ng bawat isa, mula sa lokal na pamahalaan hanggang sa mga mamamayan, ay makatutulong na ibalik ang kumpiyansa ng mga turista at investor na bumisita at mamuhunan sa bansa.
Magandang balita naman para sa lahat ang nakaambang High-Level U.S. Presidential Trade and Investment Mission sa Pilipinas sa Marso 2024.
Ito isang positibong hakbang patungo sa mas matibay na ugnayan ng dalawang bansa. Ang pagbisita ng mataas na antas na mga opisyal mula sa Estados Unidos ay maaaring magdulot ng malaking potensyal para sa mas maraming oportunidad sa larangan ng kalakalan at pamumuhunan.
Isa itong mahalagang yugto sa diplomatic relations ng ‘Pinas at Amerika, kung saan hindi lamang itinataguyod ang economic partnership kundi ang mas malalim na pag-unawa sa mga isyu na kinakaharap ng magkabilang panig.
Sa inisyatibo ni U.S. President Joe Biden, ito ay nagbibigay-diin sa pangangailangan ng mas malakas at mas matibay na ugnayan sa pagitan ng dalawang pangunahing ekonomiya sa Asya at Timog Silangang Asya.
Ang posibleng investments ng Estados Unidos sa ilalim ng misyon na ito ay magbibigay ng positibong signal sa mga lokal na industriya at sektor ng ekonomiya. Ito ay pagpapakita ng tiwala sa potensyal ng Pilipinas na maging isang atraktibong merkado para sa dayuhang pamumuhunan.
Kasabay nito, pinagtutuunan naman ng pamahalaang Marcos ang pagtataguyod ng magandang klima para sa negosyo at pagsulong ng tamang regulasyon upang masiguro ang matagumpay at tuloy-tuloy na pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan.
Gayunman, hindi rin maitatanggi na ang kasalukuyang sitwasyon ng pandaigdigang ekonomiya ay puno ng mga pagbabago at kahinaan.
Kaya naman, mahalagang maging handa tayo sa posibleng epekto ng mga pandaigdigang kaganapan sa ating lokal na ekonomiya.