Mga laro ngayon:
(Smart Araneta
Coliseum)
8 a.m. – NUNS vs FEU-D (JHS)
9:45 a.m. – UPIS vs UE (JHS)
11:30 a.m. – NU vs FEU (Women)
1:30 p.m. – UP vs UE (Women)
4:30 p.m. – NU vs FEU (Men)
6:30 p.m. – UP vs UE (Men)
SISIKAPIN ng University of the Philippines na maipuwersa ang three-way tie sa liderato sa pagharap sa University of the East sa UAAP men’s basketball tournament ngayong Sabado sa Araneta Coliseum.
Umaasa ang Fighting Maroons na masamantala ang kanilang size at depth advantage sa 6:30 p.m. duel sa Red Warriors.
Puntirya ng National University at Far Eastern University na makapasok sa win column sa 4:30 p.m. curtain raiser.
Nagpasiklab ang UP, na tinapos ang 36-year championship drought sa 2022 bubble tournament at runners-up sa huling dalawang seasons, sa opening night sa pagbasura sa young Ateneo crew, 77-61.
Impresibo sina JD Cagulangan at Francis Lopez, at ipinarada ng Fighting Maroons si Quentin Millora-Brown, ang one-and-done center na kumalawit ng 17 rebounds upang madominahan ang frontline ng Blue Eagles.
Isang laro pa lamang ito, ngunit ipagpapatuloy ng UP ang pagpapakinis sa pagpapatuloy ng season.
Determinado si Cagulangan, ang Season 84 hero, na muling bigyan si coach Goldwin Monteverde at ang Fighting Maroons ng kampeonato sa kanyang final year.
“Siguro, gusto ko na legacy na maaalala ng tao is ‘yung tipong yung nakikita ninyo yung isang JD na sasabihin na winner. And siguro naman, alam natin na since dumating si coach Gold sa UP, ini-insist niya sa amin na mindset na maging winner talaga,” sabi ni Cagulangan.
“Para sa kanya, ‘yung winner hindi lang sa court, kahit na sa buhay. Laging sinasabi ni coach na yung pagiging champion, lifestyle iyan eh. Nagli-live kami sa sinasabi ni coach, which is thankful kami na nakilala namin siya,” dagdag pa niya.
Samantala, yumuko ang UE sa season opener nito kontra University of Santo Tomas, 55-70.
Ininda ng Red Warriors ang pagkawala ni Noy Remogat, miyembro ng Mythical Team noong nakaraang season, na lumipat sa Fighting Maroons sa kaagahan ng taon, at tanging sina Nigerian Precious Momowei at Ethan Galang ang kuminang sa pagkatalo sa Growling Tigers.
Sa kabila ng pagkatalo sa kanilang season opener, ang Bulldogs ay may potensiyal pa rib sa podium.
Binigyan ng NU ang defending champion La Salle ng magandang laban bago nalasap ang 75-78 decision noong nakaraang Linggo, natalo sa game-winning triple ni reigning MVP Kevin Quiambao.