UAAP: 3-0 PUNTIRYA NG FIGHTING MAROONS

Standings W L
DLSU 3 0
UP 2 0
AdU 2 1
UST 2 1
NU 1 1
FEU 0 2
UE 0 2
Ateneo 0 3
Mga laro ngayon:
(Smart Araneta Coliseum)
8 a.m. – FEU vs UE (JHS)
9:45 a.m. – NUNS vs UPIS (JHS)
11:30 a.m. – FEU vs UE (Women)
1:30 p.m. – NU vs UP (Women)
4:30 p.m. – FEU vs UE (Men)
6:30 p.m. – NU vs UP (Men)

TARGET ng University of the Philippines ang ika-3 sunod na panalo at sumalo sa liderato sa pagsagupa sa National University sa UAAP men’s basketball tournament ngayon sa Araneta Coliseum.

Handa ang Fighting Maroons sa maaaring ipakita ng Bulldogs sa kanilang laro sa alas-6:30 ng gabi.

Binigyan ng NU, pumangatlo sa huling dalawang seasons, ng magandang laban ang defending champion La Salle bago nalasap ang 75-78 season-opening defeat at nakapasok sa win column sa 62-60 pag-ungos sa Far Eastern University.

Nakabawi ang Bulldogs sa kabila na nawala si Mali’s Mo Diassana dahil sa season-ending knee injury, kung saan hinikayat ni coach Jeff Napa ang kanyang tropa na magdoble-kayod kahit wala ang kanilang foreign student-athlete.

Matapos ang impresibong 77-61 opening night win kontra Ateneo, dinispatsa ng UP ang University of the East, 81-71, para sa 2-0 record.

Laban sa Fighting Maroons na mainit ang simula, kailangan ng tropa ni Napa na pantayan ang kanilang intensity rmula umpisa at iwasang maghabol tulad ng nangyari laban sa Tamaraws. Ang FEU ay umabante ng hanggang 17 points bago nakahabol ang NU at namayani.

“We started flat and hopefully coming into the next game, kasi mabigat ang kalaban namin against UP, hindi kami puwedeng flat ng ganito,” sabi ni Napa.

“Hopefully masolusyunan namin itong naging, actually hindi naman problema, naging mas masamang approach namin coming into our first quarter so para hindi na maulit para sa mga remaining games namin,” dagdag pa niya.

Tunay na malaki ang respeto ng Fighting Maroons sa Bulldogs.

“Si coach Jeff naman, yung history niya as a coach from high school hanggang dito sa seniors, alam naman nating palaban lagi ang team niya. So whether he has a FSA or not, obviously proven na in the last two games na even almost leading against La Salle and winning via come-from-behind pa (against FEU),” ani Christian Luanzon, isa sa trusted assistants ni Goldwin Monteverde.

“I think we just have to match their intensity. We have to match that or surpass that and hopefully we could give them a good fight.”

Samantala, maghaharap ang Red Warriors at Tamaraws para sa breakthough win sa alas-4:30 ng hapon. Ang dalawang koponan ay nasa ilaliim ng standings na may 0-2 kartada.