SISIMULAN ng Ateneo ang kanilang kampanya para sa three-peat sa pagharap sa Adamson sa pagbubukas ng bagong season ng UAAP men’s basketball tournament sa Set. 4 sa Mall of Asia Arena.
Magsasagupa ang Blue Eagles at Falcons, na nagkrus din ang landas sa opening day noong nakaraang season kung saan nalasap ng Katipunan-based cagers ang shock loss, sa huling laro ng Wednesday tripleheader sa alas-4 ng hapon.
Magpapambuno ang last season’s runner-up University of the Philippines at Far Eastern University sa alas-12:30 ng tanghali, matapos na buksan ng University of Santo Tomas at University of the East ang Season 82 hostilities sa alas-10:30 ng umaga.
Umaasa ang UAAP na matatapos ang basketball season bago ang Southeast Asian Games sa Nobyembre.
Sasalang ang bagong bihis na La Salle laban sa Ateneo sa Set. 8, alas-4 ng hapon, sa Smart Araneta Coliseum, habang sisimulan ng National University ang kampanya nito kontra Adamson sa Set. 7, alas-2 ng hapon.
Ang rematch ng championship series noong nakaraang taon sa pagitan ng Eagles at ng UP Fighting Maroons ay nakatakda sa Set. 29, alas-4 ng hapon, sa Smart Araneta Coliseum.
Ang Ynares Center sa Antipolo ang magiging ikatlong venue ng basketball at may nakatakdang weekend matches sa Set. 21 at 22.
Comments are closed.