UAAP: BABAWI ANG BLUE EAGLES

Mga laro ngayon:
(Mall of Asia Arena, Women)
10 a.m. – AdU vs NU
12 noon – FEU vs UST
2 p.m. – Ateneo vs UE
4 p.m. – DLSU vs UP

MATAPOS yumuko sa back-to-back title-seeking National University, umaasa ang Ateneo na agad makabawi sa pagsagupa sa University of the East sa UAAP women’s volleyball tournament ngayon sa Mall of Asia Arena.

“UAAP is really different eh so no matter how big is the preseason, UAAP will be really the biggest tournament here in the Philippines,” pahayag ni coach Oliver Almadro kasunod ng 15-25, 20-25, 16-25 pagkatalo ng Blue Eagles sa Lady Bulldogs sa opener noong Sabado.

“I guess ‘yun ang pumasok sa mind ng mga players ko and we have to adjust to it right away. We have to act on it as a team,” dagdag pa niya.

Nagwagi ang Ateneo sa preseason championship na hindi nilahukan ng NU noong nakaraang November, at ang opening day defeat ay magsisilbing wakeup call para kay Faith Nisperos and company.

“After the game, I just told them na we have to get the moment first. Don’t look at the endpoint right away, don’t look too far right away. Just think of the process first one game at a time or rather nga sabi ko, ‘One set at a time’,” ani Almadro.

Kailangan ding magdoble kayod ng Lady Warriors kung nais nilang maging kumpetitibo ngayong season.

Sinimulan ng UE ang kanilang kampanya sa 19-25, 9-25, 5-25 blowout loss sa Adamson noon ding Sabado.

Nakatakda ang Blue Eagles-Lady Warriors duel sa alas-2 ng hapon, na bahagi ng heavy quadruple-header sa Pasay venue.

Sisimulan ng Lady Bulldogs at Lady Falcons ang hostilities sa alas-10 ng umaga kung saan target ng parehong koponan ang 2-0 simula.

Magtutuos ang fabled volleyball rivals Far Eastern University at University of Santo Tomas sa alas-12 ng tanghali, habang magpapambuno ang La Salle at University of the Philippines sa alas-4 ng hapon.

Binigyang-diin ni coach Jerry Yee na ang laro ng Adamson kontra NU ay magsisilbing real test kung tunay na makasasabay ito sa top teams sa liga.

“‘Yung next game namin tingnan natin. So ‘yung next game namin kung maganda yung execution, maganda ‘yung laro probably you’ll comment na mismo kung okay ba kami or not,” wika ni Yee matapos talunin ang UE.