UAAP CAGE STARS PINASIGLA ANG PASINAYA NG 2019 ALBAY 2DCONGCUP

REP SALCEDA

LEGAZPI CITY – Lalong pinasigla ng pagdalo ng mga sikat na basketbolista ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP), kasama sina Ricci Rivero ng UP at Thirdy Ravena ng Ateneo University, ang pasinaya noong Linggo ng Albay Second District Inter-Barangay Congressional Cup (CongCup) 2019, ang pinakamalaking basketball tournament sa bansa.

Kasali sa CongCup ang 356 basketball teams at 7,000 players, coaches at tagasanay. Pinakamalaki itong torneo sa basketball ng mga barangay sa buong Filipinas at pangatlong taon na ito ngayon. Punum-puno at umapaw sa Centrum for Recreation dito ang mga dumalo sa naturang pasinaya na nagsilbing inspirasyon sa mga manlalaro at mahihilig sa basketball.

“Ang kahanga-hangang partisipasyon sa palaro ay pahiwatig lamang ng ating pagkakaisa at pagkahilig sa basketball, at nangyayari lamang dahil sa pagkakaisa ng kalooban ng mga barangay, Kabataang Barangay, kabataan  at mga pamayanan,” wika ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda, ang nagpasimula at nagtatagu­yod ng torneo.

Pinasimulan ang CongCup noong 2017 na sinalihan ng 161 koponan, 320 coaches at 1,930 players. Rekord na ito noon at labis pang nadoble pagkatapos ng tatlong taon. Pinasimulan ang palaro ng isang masiglang parada at masayang pasinaya nitong nakaraang linggo.

Walang kalaban si Salceda sa kanyang re-eleksiyon sa Mayo. Ayon sa kanya, sa nakaraang tatlong taon, 264 manlalaro ang ma­sidhing nakapagsanay sa ilalim ng ‘Defen­ders of Faith,’ ang resident basketball team ng 2DAlbay CongCup na ang karamihang kasapi ay umaasang magiging propesyunal na basketbolista.

Ang mga laro ay ginaganap sa iba’t ibang venue sa ika-2 distrito ng Albay. May apat na divisions ang liga: ang Junior Division na may 143 kasaping koponan, ang Junior Team Bs na may 29 koponan, Senior Division na may 36  at ang Senior Division Team Bs na may 48.

“Totoong naniniwala kami na ang sports ay mahusay na nagbubuklod ng pagkakaisa tungo sa pagsulong. Pinatitibay ng palakasan ang tiwala sa sarili ng mga mamamayan,” pahayag ni Salceda. Ang Albay 2DCongCup ay ginaganap simula Pebrero hanggang  summer.

Pinuna rin ni Salceda na ang Miss Inter-Barangay CongCup competition ay lumikha rin ng rekord bilang pinakamalaking beauty pageant sa bansa na nagsisilbi ring tuntungan ng magagandang kadalagahan para maging reyna ng kagandahan.