BALIK sa Ateneo de Manila University ang UAAP men’s basketball championship.
Nalusutan ng Blue Eagles ang paghahabol ng University of the Philippines Fighting Maroons upang kunin ang 75-68 panalo sa do-or-die Game 3 ng UAAP Season 85 men’s basketball Finals nitong Lunes.
Sa harap ng tinatayang 22,000 fans sa Araneta Coliseum, itinarak ng Blue Eagles ang 20-point lead sa third quarter bago kinailangang apulahin ang mainit na paghahabol ng Fighting Maroons para mabawi ang UAAP crown.
Ito na ang ika-4 na UAAP title ng Ateneo sa huling limang seasons, at ang kanilang ika-12 sa kabuuan magmula nang lumipat sa UAAP noong 1978.
Nanguna si Ange Kouame para sa Blue Eagles na may 19 points, 12 rebounds, at 4 blocks, habang nag-ambag sina Forthsky Padrigao at Gab Gomez ng tig-12 points.
Tinapos ng Blue Eagles ang elimination round sa top spot na may 11-3 record at tinalo ang Adamson University sa semis.
Yumuko ang Ateneo sa UP, 72-66, sa Game 1 ng best-of-three finals, bago dinispatsa ang Fighting Maroons, 65-55, sa Game 2.
Sa pagkatalo ay nabigo ang UP na makamit ang extraordinary feat na pagwawagi ng dalawang titulo sa parehong taon.
Tinapos ng Fighting Maroons ang 36-year championship drought noong nakaraang Mayo.