UAAP: FIGHTING MAROONS ASAM ANG FINAL 4 BONUS

Standings W L
Men
*DLSU 10 1
*UP 9 1
UE 6 4
UST 5 6
AdU 4 7
FEU 3 7
Ateneo 3 8
NU 2 8
* Final 4

Mga laro ngayon:
(UST Quadricentennial Pavilion Arena)
8 a.m. – NUNS vs UE (JHS)
10 a.m. – FEU vs UE (Women)
12 noon – FEU vs UE (Men)
3:30 p.m. – UP vs NU (Men)
6:30 p.m. – UP vs NU (Women)

UMAASA ang University of the Philippines na pumanig sa kanila ang mga pangyayari upang makamit ang isa pang layunin, ang twice-to-beat bonus sa Final 4, sa pagsagupa sa National University sa UAAP men’s basketball tournament ngayon sa UST Quadricentennial Pavilion Arena.

Ang Fighting Maroons ay nagwagi sa kanilang huling tatlong laro, at komportableng nasa solo second na may 9-1 record.

Ang panalo ng UP sa 3:30 p.m. contest, na sasamahan ng pagkatalo ng University of the East sa Far Eastern University sa 12 noon encounter ay magbibigay sa Season 84 champions ng twice-to-beat advantage, gayundin sa holders La Salle.

Ang Fighting Maroons ay may three-game cushion laban sa third-running Red Warriors, na natalo sa dalawa sa kanilang huling tatlong laro upang mahulog sa 6-4.

Habang naghahanda ang UP para sa mas mabigat na laban upang mabawi ang korona matapos ang back-to-back runner-up finishes, nais ni coach Goldwin Monteverde na makita ang kanyang tropa na 100 percent na nasa porma at manatiling nakapokus sa kanilang layunin.

“Expect na we would work harder to improve as a team. Dahan-dahan pa, I think we have four games left kung hindi ako nagkakamali. Each game would be a stepping stone for us to get better. Importante lang, we should be healthy as a team din in a way. Slowly, we’ll still improve,” sabi ni Monteverde makaraang maitala ng kanyang tropa ang 75-47 panalo kontra Ateneo noong nakaraang Miyerkoles.

Pumapabor ang mga pangyayari sa Fighting Maroons, na tinalo ang Bulldogs ng 27 points, 89-62, sa first round.

Umaasa ang UP na makumpleto ang head-to-head elimination round sweep sa NU para sa ikalawang sunod na season. Ang Fighting Maroons ay may average winning margin na 20 points laban sa Bulldogs noong nakaraang taon.

Kulelat sa standings na may 2-8 record, kailangan ng NU na walisin ang kanilang huling apat na laro at umasa na ang No. 4 team ay hindi makaka-7 panalo upang mapuwersa ang playoff para sa huling Final Four berth.

Matapos ang impresibong five-game winning streak, ang UE ay nahirapan sa kanilang huling tatlong laro, tampok ang 37-45 loss sa Adamson sa isang low-scoring affair noong nakaraang Miyerkoles.

Hindi maaaring magkampante ang Red Warriors sa Tamaraws, na sa 3-7 ay may tsansa pang makapasok sa Final Four via backdoor.

Ang FEU ay yumuko sa University of Santo Tomas, 70-79, makaraang simulan ang second round na may back-to-back wins sa unang pagkakataon sa ilalim ni coach Sean Chambers. Ang Tamaraws at naghahabol sa fourth-running Growling Tigers (5-6) ng one-and-a-half games.