UAAP: FINALS TARGET NG EAGLES, MAROONS

Mga laro ngayon:

(Mall of Asia Arena)

2 p.m. – UP vs DLSU

6 p.m. – Ateneo vs FEU

ISANG panalo na lamang ang kailangan para makabalik sa finals, hindi maaaring magkampante ang University of the Philippines sa kabila ng pagiging liyamado kontra La Salle sa UAAP men’s basketball Final Four.

Maaaring mistulang sirang plaka na si Goldwin Monteverde, ngunit nais lamang ng first-year coach na maiangat ng kanyang Fighting Maroons ang lebel ng paglalaro sa 2p.m. duel sa  Green Archers.

“Even though we already knew we had the twice-to-beat advantage, but I’ve been consistent since the start of the season that we’re always still looking for improvement,” sabi ni Monteverde makaraang putulin ng UP ang remarkable 39-game winning streak ng Ateneo noong Linggo.

“We’ve been really doing our best defensively and offensively. Whatever we did in these last two games, we really gained a lot from it.”

Tinapos ang elimination round sa second place na may 12-2 record, kailangan lamang ng Maroons na manalo ng isang beses upang makopo ang kanilang ikalawang Finals appearance sa tatlong seasons at ang posibleng titular showdown sa Ateneo.

Isasantabi ang 83-84 loss sa UP, umaasa ang four-peat seeking Ateneo na mamayani sa No. 4 Far Eastern University sa isa pang Final Four pairing sa alas-6 ng gabi.

Ang panalo ng Maroons at Eagles ay magsasaayos sa  best-of-three title series na agad sisimulan sa Biyernes.