UAAP HS BOYS BASKETBALL CROWN SINUWAG NG BABY TAMS

NAITAKAS ng Far Eastern University-Diliman ang kapana-panabik na 77-76 panalo kontra Adamson upang mabawi ang UAAP high school boys basketball crown kahapon sa Filoil EcoOil Centre.

Tumapos si John Rey Pasaol na may 21 points, 8 assists, 4 rebounds at 4 steals habang nagdagdag si VJ Pre ng 16 points at seven rebounds para sa Baby Tamaraws na nakumpleto ang two-game sweep sa title series para sa kanilang unang korona magmula noong 2016-17 season.

“’Yung isinulat ko sa white board kanina, ‘yung ‘effort is the key’. From jumpball pa lang, nakita ko sa kanila yung effort na gusto nilang kunin ang series na ito,” sabi ni FEU-Diliman coach Allan Albano.

Masaklap ang pagkatalo ng Baby Falcons, na pumasok sa Finals sa unang pagkakataon magmula noong 2003, makaraang ipawalang-bisa ang shotclock-beating bank shot ni Justine Garcia matapos na manalo si Albano sa coach’s challenge at sumablay si Earl Medina sa potential game-winning triple sa mga huling segundo na naghatid sana sa series sa deciding Game 3.

“Saludo rin ako sa Adamson. Hindi sila nag-give up until the final buzzer. Hindi basta-basta ibinigay ang series na ito,” sabi ni Albano.

Si Kirby Mongcopa, may 20-20 game sa series opener, ang itinanghal na Finals MVP. Tumapos siya na may triple-double na 13 rebounds, 9 assists, 9 points at 5 steals.

Iskor:
FEU-D (77) –– Pasaol 21, Pre 16, Miranda 10, Felipe 10, Mongcopa 9, Cabonilas 8, Daa 3, Salangsang 0, Pascual 0, Bautista 0, Herbito 0.
AdU (76) — Garcia 20, Bonzalida 15, Medina 12, Rosillo 10, Reyes 9, Edding 8, Abayon 2, Carillo 0, Sajili 0.
QS: 23-24, 43-46, 61-60, 77-76.