UAAP: HULING FINAL 4 SLOT PAKAY NG RED WARRIORS

Standings W L
*DLSU 12 2
*UP 10 3
*UST 7 7
UE 6 7
AdU 5 8
FEU 5 9
NU 5 9
Ateneo 4 9
*Final Four

Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
8 a.m. – UPIS vs UE (JHS)
10 a.m. – FEU-D vs NUNS (JHS)
12 noon – DLSZ vs Ateneo (JHS)
2 p.m. – UST vs AdU (JHS)
5:30 p.m. – UP vs UE (Men)

UMAASA ang University of the East na maisantabi ang lahat ng second round struggles sa pagtala ng reversal kontra University of the Philippines at kunin ang huling Final Four berth sa UAAP men’s basketball tournament ngayong Martes sa Filoil EcoOil Centre.

Makaraang ipagpaliban ang kanilang unang dalawang nakaiskedyul na laro noong nakaraang buwan dahil sa magkaibang pangyayari, ang Red Warriors at Fighting Maroons ay maghaharap sa wakas sa nag-iisang men’s game sa alas-5:30 ng hapon.

Ang UE ay inalat matapos ang impresibong 5-2 first round run, nahulog sa fourth place na may 6-7 record makaraang matalo sa lima sa kanilang huling anim na laro.

Umaasa ang UP, nakasisiguro na sa isang Final Four berth at sa twice-to-beat advantage at makakasagupa ang No. 3 University of Santo Tomas para sa isang puwesto sa best-of-three Finals, na tapusin ang elimination round na may back-to-back victories.

Aabangan ng Adamson, na makakaharap ang sibak nang Ateneo sa Sabado sa San Juan arena, ang naturang laro.

Umaasa ang Falcons, na nanatili sa kontensiyon sa 5-8 sa kabila ng 49-75 loss sa Growling Tigers noong Sabado, na matalo ang Red Warriors at manalo sila sa Blue Eagles upang maipuwersa ang playoff para sa No. 4 spot.

Ang panalo ng UE ay sisibak sa Adamson at magsasaayos sa Final Four showdown sa defending champion at top-ranked La Salle. Ang Red Warriors, na asam na mawakasan ang 15-year Final Four drought, ay magtatapos na tabla sa UST sa 7-7, subalit makukuha ng Growling Tigers ang tiebreaker, makaraang talunin ang UE ng dalawang beses sa elims.