INILAMPASO ng National University ang defending champion Ateneo, 78-62, sa isang mainit na Finals rematch upang maging No. 1 team sa first round ng UAAP Season 81 juniors basketball tournament noong Sabado sa Blue Eagle Gym.
Kumamada si Terrence Fortea ng 17 markers, gumawa si Gerry Abadiano ng 16 points at nag-ambag si Carl Tamayo, sa kanyang unang UAAP match-up laban kay Kai Sotto, ng double-double na 13 points at 10 rebounds para sa Bullpups.
Nanguna si Sotto para sa Blue Eaglets na may 23 points, 13 boards at 3 assists.
Papasok ang NU sa second round na may 6-1 kartada habang ipinalasap sa Ateneo ang ikalawang talo nito sa season. Magpapatuloy ang torneo sa Enero 13 matapos ang Christmas break.
Nauna rito ay pinaglaruan ng Far Eastern University-Diliman ang University of Santo Tomas, 63-37, habang dinurog ng Adamson University ang De La Salle-Zobel, 72-57.
Naipuwersa ng Baby Tamaraws at Baby Falcons ang ‘three-way tie’ sa Eaglets sa ikalawang puwesto sa 5-2.
Nagbida si Bryan Sajonia para sa FEU-Diliman sa kinamadang 12 points habang nagdagdag sina RJ Abarrientos at Royce Alforque ng tig-11 points.
Ang bayani sa 62-59 panalo kontra NU noong Miyerkoles, patuloy si Adrian Manlapaz sa kanyang magandang laro para sa Adamson University na may 18 points at tumipa si Joem Sabanal ng 11 points, 12 rebounds at 6 assists.
Sa duelo ng mga wala pang panalong koponan, nagtuwang sina Leo Almacen at Sean Manaug para sa 49 points nang maungusan ng University of the East ang UP Integrated School, 74-72.
Comments are closed.