UAAP: LADY SPIKERS WINALIS ANG BLUE EAGLES

Mga laro sa Miyerkoles:
(Smart Araneta Coliseum)
10 a.m. – DLSU vs UE
12 noon – Ateneo vs FEU
2 p.m. – UST vs AdU
4 p.m. – NU vs UP

NAHILA ng La Salle ang kanilang winning streak kontra fabled rival Ateneo sa 11 kasunod ng 25-16, 25-20, 25-13 panalo sa UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena.

Kinuha ng Lady Spikers ang solo lead sa 3-0 at hindi pa natatalo sa Blue Eagles magmula nang malasap ang 25-12, 20-25, 21-25, 19-25 loss sa pagtatapos ng second round eliminations noong April 8, 2017.

Ninamnam ang bawat sandali ng kanyang unang rivalry game, si super rookie Angel Canino ay nasa attack mode, halos mapantayan ang first set total ng Ateneo na 9 kills sa paghataw ng 8 spikes.

Sa huli ay tumapos si Canino na may career-high 23 points sa 21-of-45 attacks, 9 digs at 5 receptions para makopo ang kanyang ikatlong sunod na player of the game honors mula sa television panel.

Gayunman ay hindi sinarili ng Bacolod City native ang kredito.

“I think we all deserve the POG. Kasi lahat po kami nag-contribute inside the court. Wala po akong masabi sa team, basta proud po ako sa team kasi ginawa namin ang best namin,” ani Canino.

“Nag-push talaga kami hanggang dulo and na-prove po namin na kaya namin,” dagdag pa niya.

Umiskor si Jolina dela Cruz ng 13 points, kabilang ang 3 blocks, at 11 receptions, nag-ambag si Thea Gagate ng 10 points, habang naitala ni Fifi Sharma ang kalahati ng kanyang 6 points mula sa blocks para sa Lady Spikers.

Nauna rito ay nasungkit ni Shaq delos Santos ang kanyang unang panalo bilang University of the Philippines coach, nang pataubin ng Fighting Maroons ang University of the East, 22-25, 25-18, 25-19, 25-20. Kasunod ng five-set loss ng titleholder National University sa University of Santo Tomas noong Sabado, kinuha ng La Salle ang pagkakataon para angkinin ang top spot.