IPINAGPALIBAN ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) ang lahat ng basketball at high volleyball games kahapon dahil sa bagyong Kristine.
Ang men’s basketball match-ups sa pagitan ng Adamson at ng Ateneo, at ng University of the Philippines at University of the East ay lalaruin sana sa Mall of Asia Arena.
Kanselado rin ang high school boys’ volleyball matches sa pagitan ng University of Santo Tomas at Adamson, National University Nazareth School at UE, Far Eastern University-Diliman at UP Integrated School, at La Salle-Zobel at Ateneo sa Paco Arena.
Apektado rin ang junior high school contests sa pagitan ng FEU-D at Ateneo, at La Salle-Zobel at Adamson.
Ihahayag na lamang ng liga ang bagong iskedyul ng mga ipinagpalibang laro.
Samantala, nagpasya rin ang NCAA na kanselahin ang mga nakatakdang laro kahapon dahil sa bagyo.
Inanunsiyo ni NCAA Management Committee chairman Hercules Callanta ang kaganapan Martes ng gabi kasunod ng suspensiyon ng klase sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.
Nakatakda sanang harapin ng league-leading De La Salle-College of Saint Benilde ang Lyceum of the Philippines University sa alas-11 ng umaga habang magsasagupa ang Emilio Aguinaldo College at Jose Rizal University sa alas- 2:30 ng hapon.
Ang Blazers ay may four-game winning streak habang ang Pirates ay inaasahang sasalang na kulang sa tao sa pagliban nina JM Bravo at team captain Greg Cunanan.
Samantala, haharapin sana ng Generals ang inaalat na Heavy Bombers, na nasa four-game losing streak.
Sinabi ni Callanta na iaanunsiyo ng liga ang bagong iskedyul ng mga apektadong laro sa mga susunod na araw.