(UAAP Season 81 lawn tennis) KORONA NABAWI NG LADY BULLDOGS

NU Lawn Tennis

KINUHA ng National University ang ika-5 women’s crown sa huling anim na season sa 3-1 pagdispatsa sa De La Salle sa UAAP Season 81 lawn tennis tournament kahapon sa Colegio de San Agustin courts sa City of San Jose Del Monte, Bulacan.

Winalis ng Lady Bulldogs ang Finals series, 2-0.

Nakumpleto ng second doubles tandem nina Jzash Canja at Annie Tumanda ang pagbabalik ng NU sa women’s throne matapos ang one-year absence sa pamamagitan ng 6-2, 6-2 paggapi kina Kiezel Diaz at Jenni Dizon.

Nakuha ng Lady Archers ang trangko nang kunin ni Angel Santiago ang first singles sa pamamagitan ng 6-3, 6-1 panalo kay Zam Dumlao, bago naitala nina Mae Bornia at Alliah Elline Tobias Ragunton ang 1-1 para sa Lady Bulldogs sa pamamagitan ng 6-3, 6-4 first doubles win laban kina  Jed Vallie Rayne Aquino at Arianne Nillasca.

Kasunod nito ay inilagay ni Clarice Patrimonio ang NU sa trangko sa 6-3, 6-1 pagbasura kay Aubrey Calma sa second singles.

Nakopo ni Patrimonio, anak ni dating PBA great Alvin, ang kanyang ikatlong season MVP award.

Itinanghal namang Rookie of the Year si Shaira Rivera ng third placer Ateneo.

Subalit naunsiyami ang pagkopo ng Bulldogs sa golden double nang maipuwersa ng Ateneo ang  winner-take-all sa 3-0 pagdurog sa NU.

Ang deciding tie ay nakatakda sa Sabado, alas-8 ng umaga.

Nakumpleto ni Gab Tiamson ang series-tying victory ng Blue Eagles sa pamamagitan ng 6-7(1), 6-4, 6-3 decision kontra  Jeremiah Latorre.

Naitala ni  Marcen Gonzales ang 6-4, 6-4 panalo laban kay Allen Manlangit sa first singles at kinuha ng Ateneo ang 2-0 lead makaraang pataubin nina Luke Flores at Erj Gatdula sina Jeric Accion at Justine Prulla, 7-5, 6-4, sa first doubles.

Comments are closed.