UAAP SEASON 82 OPISYAL NA MAGSASARA SA HULYO 25

Uaap

PORMAL na magsasara ang 82nd season ng UAAP na natapos nang wala sa panahon dahil sa coronavirus 2019 (COVID-19) disease, sa Hulyo 25 sa pamamagitan ng isang virtual ceremony.

Ayon kay outgoing president Em Fernandez ng Season 82 host Ate­neo de Manila University, ang segments ng sere­monya ay naka-tape na, kabilang ang awarding ng general championship sa University of Santo Tomas at ang pagsasalin ng hosting duties sa De La Salle University.

Ang seremonya na tatagal ng isang oras ay tatampukan ng mga atleta na hindi natapos ang kanilang kampanya dahil sa pandemya.

Napilitan ang UAAP na kanselahin ang season nito noong Abril 7, dahilan para hindi matapos ang volleyball tournaments at ang men’s football tournament. Hindi naman na nasimulan ang kumpetisyon sa women’s football tournament, baseball, softball, athletics, lawn tennis, at 3×3 basketball.

“We did not like what happened, because hindi natapos ‘yung sport, but we all know naman na this is bigger than sports,” ani Fernandez.

“Lalabas ‘yun doon sa closing ceremonies, just to highlight na, one, as a community, as a nation, we are here to help everyone, that’s one,” aniya. “And two, itong mga atleta na ‘to na mga hindi nakapaglaro or natapos, they are part of Season 82.”

Nakopo ng UST ang UAAP general championship makaraang kunin ang limang kampeonato sa seniors division — men’s at women’s beach volleyball, men’s at women’s table tennis, at men’s judo.

Gayunman, walang pararangalan ang UAAP na Athlete of the Year para sa season.

Comments are closed.