UAAP: SOLO LEAD SASAKMALIN NG BULLDOGS

Standings W L
Ateneo 3 1
UP 3 1
NU 3 1
UE 2 2
DLSU 2 2
AdU 2 2
UST 1 3
FEU 0 4

Mga laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
8 a.m. – FEU vs DLSU (Women)
10 a.m. – AdU vs NU (Women)
2 p.m. – FEU vs DLSU (Men)
4 p.m. – AdU vs NU (Men)

TARGET ng National University ang solong liderato sa pagsagupa sa Adamson sa UAAP men’s basketball tournament ngayon sa Mall of Asia Arena.

Sa kasalukuyang lineup ng Bulldogs, batid ni Falcons coach Nash Racela na ang Bustillos-based squad ay kabilang sa Final Four contenders ngayong season.

“NU is playing very well as a group. Now people would see kung bakit ko sinama sila doon sa tradition ko na top four because they have a more balanced team now,” sabi ni Racela.

“With great young guys, and I think half of the team is mga beterano na, (Mike) Malonzo, sila (John Lloyd) Clemente, so mga beterano yan eh, so ang ganda ng balance ng team nila. And now they have a really good import long athletic guy (Omar John). Yeah, it will be a challenge. Every game will be a challenge, but we’ll try our best of course to be ready for Saturday’s game,” dagdag pa niya.

Nakatakda ang laro sa alas-4 ng hapon.

Hindi binigo ng Bulldogs, na huling umabante sa Final Four noong 2015, ang kanilang preseason billing.

Naitala ng NU ang 80-75 panalo kontra University of the Philippines noong nakaraang Miyerkoles upang makatabla ang defending champions at Ateneo sa liderato sa 3-1.

Nahaharap ngayon si coach Jeff Napa sa pinakamahirap na bahagi sa kung paano susundan ng Bulldogs ang impresibong panalo kontra vFighting Maroons.

Matapos ang back-to-back defeats sa pagsisimula ng season, ang Adamson ay nanalo ng dalawang sunod, kabilang ang 76-65 paggapi sa wala pang panalong Far Eastern University noong Miyerkoles.

“So, I’m happy na we won, but still a work in progress kasi we need to get back in the drawing board, and mabigat ‘yung kalaban namin again on Saturday against Adamson, so we need to be ready dahil ginawa namin dito, at least kailangan one thousand times pag dating sa Adamson kasi siyempre kahit papaano kung ano magiging apporach di namin alam kung ano gagawin ng Adamson. So, we need to be ready lang, one thousand times to be ready kahit ibato sa amin, meron kaming bala,” sabi ni Napa.

Hindi lamang si Jerom Lastimosa ang magiging problema para sa Napa, kundi maging si Vince Magbuhos, na nagbuhos ng career-high 23 points sa panalo ng Falcons kontra Tamaraws.

“Hindi porket ganoon standing ng Adamson eh ‘di namin puwede i-take for granted iyon, so we need to be ready for Saturday. It’s a two-day break, kaya walang rason para magpahinga kahit nanalo kami dito (sa UP) dahil hindi naman nag de-decide dito kung papasok kami ng Final Four or whatsoever pa. Just a simple W lang ito, we just move on, we have to be ready, watch video para mapaghandaan talaga namin yung next game namin,” dagdag pa niya.

Galing sa 74-81 loss sa University of the East noong nakaraang Miyerkoles, sisikapin ng La Salle na maibalik ang winning ways kontra FEU sa curtain raiser sa alas-2 ng hapon.

Ang Green Archers ay nakaipit sa ‘three-way tie’ sa Red Warriors at Falcons sa 2-2.

Samantala, ang Tamaraws ay nasa kanilang pinakamasamang simula makaraang maitala ang 0-4 noong 2006, kung saan umaasa si coach Olsen Racela na makaaahon sa kumunoy.