MAGPAPAHINGA ang University Athletic Association of the Philippines (UAAP) men’s at women’s basketball tournaments upang magbigay-daan sa home games ng Gilas Pilipinas sa 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers.
Ang huling playing date ng men’s at women’s ay sa November 16.
Ililipat ang nalalabing women’s second-round games sa November 23. Wala pang petsa kung kailan lalaruin ang Final Four matches.
Ang men’s tournament ay matatapos ang second-round games sa November 16.
Sisimulan ng Gilas ang dalawang home games kontra New Zealand sa November 21 sa Mall of Asia Arena.
Pagkatapos ay tatapusin ito ng nationals kontra Hong Kong sa November 24 sa parehong venue.
Ang pagpapahinga ng UAAP ay makabubuti kay reigning Most Valuable Player Kevin Quiambao ng La Salle, na bahagi ng Gilas Pilipinas lineup.
Wala pang ulat kung papayagan ng management ng Green Archers na maglaro si Quiambao sa Qualifiers.
Si Quiambao ay may average na 12.5 points, 4.5 rebounds at 1.5 assists sa unang dalawang laro ng Gilas sa Qualifiers.
Ang 6-foot-6 forward ay nagtala ng 10 points, 6 rebounds at 1 assist kontra Taiwan at 15 points, 3 rebounds at 2 assists laban sa Hong Kong noong nakaraang Pebrero.
Nanalo ang Gilas sa naturang dalawang laro upang manguna sa Group B, katabla ang New Zealand.
Tuloy naman ang UAAP Junior High School basketball tournaments sa gitna ng Qualifiers.