UAAP: UP-ATENEO REMATCH SA OCT. 16

Mga laro sa October 1:
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. – AdU vs UST
4 p.m. – UP vs DLSU
Mga laro sa October 2:
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. – NU vs UE
4 p.m. – FEU vs Ateneo

NAKATAKDA ang rematch ng UAAP Season 84 men’s basketball championship sa pagitan ng University of the Philippines at ng Ateneo sa October 16 sa Mall of Asia Arena.

Ang 4:30 p.m. meeting sa pagitan ng Katipunan rivals ay magiging una magmula nang gapiin ng Fighting Maroons ang Blue Eagles sa overtime, 72-69, upang tapusin ang 36-year title drought sa isang epic Finals decider noong nakaraang May 13 sa parehong Pasay venue.

Inilabas ng liga noong Huwebes ang full round schedule, na tinatampukan din ng Philsports Arena swing sa October 5, ng pinakaaabangang pagbabalk sa Smart Araneta Coliseum sa October 8-9 at ng pagbisita sa Ynares Center sa Antipolo sa October 22-23.

Ang unang rivalry game sa pagitan ng Ateneo at ng La Salle ay nakatakda sa October 9, alas-4:30 ng hapon, sa Big Dome.

Ang Mall of Asia Arena, naging host sa buong men’s basketball at women’s volleyball tournaments sa Season 84, ay magkakaroon ng anim na playdates.

Magsisimula ang aksiyon sa October 1, kung saan magtatagpo ang landas ng UP at La Salle sa rematch ng last season’s Final Four duel sa alas-4 ng hapon, matapos ang salpukan ng season hosts Adamson at University of Santo Tomas sa alas-2 ng hapon.

Sa susunod na araw (October 2), magsasagupa ang Ateneo at Far Eastern University, na nagharap sa semifinals ng naunang torneo, sa alas-4 ng hapon matapos ang 2 p.m. showdown sa pagitan ng National University at ng University of the East.

Ang unang quadrupleheader ay nakatakda sa October 5 sa Philsports Arena, simula sa UE-FEU duel sa alas-11 ng umaga. Maghaharap ang UP at Adamson sa ala-1 ng hapon, na susundan ng La Salle-UST game sa alas-4:30 ng hapon, at ng Ateneo-NU tussle sa alas-6:30 ng gabi.

Sa kanyang pagbisita sa online Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum noong Martes, sinabi ni UAAP Season 85 president Fr. Aldrin Suan ng host Adamson na magpapahinga ang liga sa FIBA World Cup Asian Qualifiers sa November 7-15 at ang lahat ng walong koponan ay lalaro tuwing Miyerkoles.

“In line with contradicting schedules with FIBA, on Wednesdays all schools will play, on Saturdays and Sundays, only two schools will play. We anticipated the FIBA games already,” sabi ni Suan.

Sa December 17 ang latest possible date na matatapos ang basketball season.

Makalipas ang tatlong taon, ang women’s basketball tournament ay magbubukas sa October 1 sa Mall of Asia Arena sa 8 a.m. duel sa pagitan ng Adamson at ng UST, at 10 a.m. showdown sa pagitan ng UP at La Salle.

Sisimulan ng NU, walang talo sa 96 games, ang kanilang kampanya para sa seven-peat sa ilalim ni bagong coach Aris Dimaculangan kontra UE sa alas-8 ng umaga na susundan ng FEU-Ateneo duel sa alas-10 ng umaga.

Ang lahat ng women’s Wednesdays quadrupleheaders ay lalaruin sa Quadricentennial Pavillion Arena ng UST simula sa October 5.