Mga laro ngayon:
(Filoil Flying
V Centre)
8 a.m. – UE vs
UP (Men)
10 a.m. – FEU vs
NU (Men)
2 p.m. – UE vs
UP (Women)
4 p.m. – FEU vs
NU (Women)
MAGSASAGUPA ang runner-up noong nakaraang taon na Far Eastern University at ang National University, habang magpapambuno ang University of the Philippines at ang University of the East sa pagsisimula ng UAAP Season 81 women’s volleyball tournament ngayon sa Filoil Flying V Centre.
Nakatakda ang bakbakan ng Lady Tamaraw at Lady Bulldogs sa alas-4 ng hapon matapos ang duelo ng Lady Warriors at Lady Maroons sa alas-2 ng hapon.
Sisimulan ang kampanya na wala si veteran Bernadeth Pons, walang ibang hangad ang Lady Tamaraws kundi ang manatiling isa sa elite teams sa liga.
Ipaparada si Jerrili Malabanan bilang kanilang bagong skipper, ang FEU ay may malalim na roster sa katauhan nina ace blocker Ced Domingo, Kyle Negrito, Heather Guinoo, Nette Villareal, Cza Carandang, service specialist Carly Hernandez at libero Buding Duremdes sa pagtatangka nitong kunin ang mailap na ika-30 kampeonato.
Mabibinyagan si rookie Lycha Ebon, na pinaniniwalaang magiging successor ni Pons sa Lady Tamaraws, sa UAAP matapos ang impresibong stint sa off-season leagues.
Samantala, isasalang ng Lady Bulldogs ang isang rookie-laden roster at isang bagong coach, sa katauhan ni Norman Miguel, sa pagsisimula ng kanilang post-Jaja Santiago era.
Nakatuon ang lahat sa UP, na maagang nagparamdam nang makopo ang dalawang off-season crown – isang pambihirang tagumpay dahil hindi magkasamang naglaro ang kanilang top spikers na sina Isa Molde at Tots Carlos sa naturang mga liga.
Sa muling pagsasama nina Molde at Carlos sa UAAP bilang co-captains, idagdag pa ang solid core, sa pangunguna nina Ayel Estrañero, Justine Dorog, Marian Buitre, Rosie Rosier, Aie Gannaban at rookie libero Mirgie Bautista, ang Lady Maroons ay paborito para makapasok sa Final Four makaraan ang dalawang taong pagliban.
Sa men’s division, uumpisahan ng Bulldogs ang kanilang title-retention campaign laban sa Tamaraws sa alas-10 ng umaga matapos ang sagupaan sa pagitan ng Fighting Maroons at ng Red Warriors sa alas-8 ng umaga.