DINISPATSA ng University of the East ang University of Santo Tomas, 78-47, upang kunin ang unang regular UAAP junior high school boys basketball championship kahapon sa Filoil EcoOil Centre.
Umalagwa ang Junior Warriors sa kaagahan ng second half, sinimulan ang third period sa 9-0 run at umabante ng hanggang 33 points, upang mamayani sa Tiger Cubs sa best-of-three series, 2-1.
Ang huling pagkakataon na nagkampeon ang UE sa basketball ay noong 1985 nang iuwi ng men’s basketball team nito, sa pangunguna nina legends Allan Caidic at Jerry Codiñera, ang korona.
Ang huling pagkakataon na naghari ang Junior Warriors sa high school basketball ay noong 1981, sa ilalim ni coach Gabriel Reyala, at sa pangunguna nina Codiñera at Modesto Hojilla.
“Finally, after how many years. It’s important for the school and the program. As I’ve said before, this would be enough na puntahan kami ng mga players. All of the teams namin sa basketball, puntahan na,” wika ni coach Andrew Estrella.
Maliban sa dalawang talo, laban sa Far Eastern University-Diliman na pumutol sa kanilang 12-game winning streak sa eliminations at UST sa Game 1 ng Finals, ang UE ay dominante sa buong season.
Matapos ang stunning 98-84 series-opening win ng Tiger Cubs, naitakas ng Junior Warriors ang hard-fought 76-70 win sa Game 2 upang maipuwersa ang decider.
Inilarawan ni Estrella ang winner-take-all bilang isang “perfect game.”
“The boys wanted it. They delivered. Sa gameplan namin, hindi sila bumitaw. In short, they wanted the championship and here it is,” ani Estrella.
“This is so sweet. This is my first time in the UAAP. Credit to the UE community and, most especially, SGA, Boss Frank, Boss Jared, and Boss Jacob (Lao) for building this team,” sabi pa ni Estrella. “Three months of sacrifices. We went through adversities but we rose above it.”
Si Gab Delos Reyes ang itinanghal na Finals MVP makaraang mag-average ng 9.3 points, 14.3 rebounds, at 2.7 blocks sa series. Tinapos niya ang kanyang stellar performance sa Game 3 na may 6 points, 16 rebounds, at 3 blocks.
“Siyempre po ngayong Game 3, hindi namin inisip na wala si (Andwele) Cabañero. Naglaro lang kami ng tama at sinunod lang yung coaches,” sabi ni Delos Reyes.
Si Cabañero ay suspendido sa decider makaraang mapatalsik nang dalawang beses na tirahin si Neil Garcia sa isang loose ball scuffle sa kaagahan ng Game 2.