“ANG KATIWALA’Y kailangang maging tapat sa kanyang panginoon.” (1 Corinto 4:2). Diyos ang may-ari ng lahat ng yaman; tayong mga tao’y katiwala lamang. Kung pupunta ka sa mga Business School gaya ng sa UP-Diliman, AIM, Ateneo, La Salle, at iba pang mahuhusay na paaralan, makikita mo sa aklatan nila ang libo-libong mga libro tungkol sa management o pangangasiwa.
Walang katapusan ang pagsusulat ng libro tungkol sa pagmamaneho ng mga kompanya at opisina. Subalit sa Bibliya, iisang katangian lamang ang sinasabi ng Diyos na importante para sa isang manager – dapat siya ay mapagkakatiwalaan. Kung tatanggapin ng isang manager na siya ay isa lamang katiwala, at hindi siya ang may-ari, at kung lilinangin niya sa sarili niya ang asal ng katapatan, siya ay magiging mahusay na manager. Aanhin mo ang napakalaking katalinuhan at kakayahan; aanhin mo ang malaking kaalaman at kasanayan, kung isa ka namang magnanakaw at mangungupit? Walang silbi lahat ang kagalingan mo sa marketing, production, management at finance, kung hindi ka naman tapat sa tungkulin. Kung wala kang tunay na pagmamalasakit at pakialam sa ikabubuti ng iyong amo, at puro sarili mong kapakanan lamang ang iniisip mo, magiging masama ka pa ring manager. Baka pag-imbutan mo ang kayamanan o ari-arian ng iyong boss.
Naaalala ko ang isang kilalang-kilalang kasabihan ni Albert Elbert Hubbard, “If you work for a man, work for him. Speak well of him and stand by the institution he represents. If you are put to a pinch, remember, an ounce of loyalty is worth a pound of cleverness. If you must vilify, resign your position. But as long as you are part of the institution, do not condemn it.”
Sa Tagalog, “Kung ikaw ay nagtatrabaho para sa isang tao, magtrabaho ka nang buong husay. Pagsalitaan mo nang mabuti ang amo mo at ipagtanggol mo ang institusyong itinayo niya. Kung malalagay ka sa hirap, tandaan mong ang isang patak ng katapatan ay mas mahalaga kaysa sa isang salop ng katalinuhan. Kung ibig mong magkondena, magbitiw ka muna sa posisyon mo. Subalit hanggang bahagi ka ng kanyang institusyon, huwag mong kokondenahin iyon.”
Napakalungkot na maraming mga tao ang walang utang na loob. Para silang mga linta o salot sa lipunan. Para silang mga ahas na pagkatapos mong alagaan ay tutuklawin ka. Para silang mga asong ulol na pagkatapos mong pakainin ay kakagatin ka sa kamay. Ayaw ng Diyos na maging ganito tayo. Dapat ay magkaroon tayo ng katapatan at pagmamalasakit sa nag-aalaga sa atin. Si Satanas ang pinakaunang traydor sa kasaysayan. Nang likhain siya ng Diyos, siya ang pinakamaganda at pinakamakapangyarihang nilalang sa ilalim ng Diyos. Pinuspos siya ng Diyos ng karunungan at kagandahan. Subalit lumaki ang ulo niya. Naging palalo siya. Sinabi niya, “Aakyat ako sa pinakamataas na langit. Aangkinin ko ang trono ng Diyos.” Kaya ibinagsak siya sa lupa. “Ang nagmamataas ay ibababa; ang nagpapakumbaba ay itataas.”
Ang ama ko ay may apat na ektarya ng lupa sa Bulacan. Nang mamatay ang kanyang tapat na katiwala, ang anak nitong si Edong ang naging sumunod na katiwala. Subalit si Edong ay napasama sa mga kabarkadang suwail at palalo. Hindi na nagbigay ng parte sa ama ko si Erming. Sinarili lang niya ang lahat ng ani. Ito ay sa kabila ng ama ko ang nagbabayad ng koryente, patubig, at iba pang inputs sa pagsasaka. Makalipas ang limang taong hindi nagbigay si Edong ng parte, napilitan ang ama kong magsumbong sa DAR. Mahaba ang paglilitis.
Makalipas ang limang taon, bumaba ang desisyon ng DAR – nagkasala si Edong. Kaya pinaalis siya. Kung ano-ano ang pinasukan niyang trabaho subalit hindi siya pinalad. Nagbigay ang ama ko ng bahay at lupa sa nanay ni Edong. Nang mamatay ang nanay niya, bumisita kami para magbigay ng abuloy, nakita naming si Edong ay matanda na, hiniwalayan ng asawa, at itinakwil ng kanyang mga anak. Lumapit siya sa amin at nagsabi, “Anuman ang kasalanan ko sa papa ninyo, patawarin ninyo na ako.” Pinatawad namin siya. Nag-ambag-ambag kami ng pera at ibinigay namin sa kanya bilang tulong. Siya ngayon ang nagmamay-ari ng bahay at lupa na ibinigay ng ama ko sa kanyang nanay.
Samantala, ang panganay na anak ko ngayon ang manager ng farm ng pamilya ng misis ko sa Mindanao. Naging isa siyang mabuting katiwala. Ginagamit niya ang pinag-aralan niyang Engineering sa UP-Diliman para i-modernize ang operasyon ng farm. Industrial farming ang kanyang mga proyekto. Hindi niya inaaring kanya ang farm; ang turing niya sa kanyang sarili ay isa lamang katiwala. Ginagamitan niya ng katapatan at pagiging katiwa-tiwala ang kanyang pagtatrabaho. Lagi siyang nag-uulat sa mga may-ari kung ano ang kanyang ginagawa at ano pa ang mga bagong proyektong gusto niyang pasukan para lalo pang yumaman ang farm. Tuwang-tuwa ang mga may-ari sa kanyang ginagawa.
Tandaan: sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Comments are closed.