UGAT NG BILL SHOCK

Magkape Muna Tayo Ulit

Tila hindi yata maka- move on ang ilang mga sektor at politiko sa isyu na kaugnay ang Meralco tungkol sa bill shock. Ilang buwan na ayaw tantanan ang nasabing isyu maski na todo puwersa ang pagpapaliwanag ng Meralco sa kanilang costumers at ilang mga mambabatas kung bakit nga bigla na lang tumaas ang bayarin natin sa koryente.

Sa katunayan umabot ng ilang pagdinig sa Senado at sa House of Representatives ito upang malaman ang puno’t dulo. Ang mga opisyal ng Meralco ay bukas sa lahat ng kanilang mga katanungan kung bakit halos nagtriple ang bayarin ng koryente noong panahon ng ECQ.

Sa pagdinig sa Kongreso, maraming mga suhestiyon o panukala ang ilang mambabatas sa Meralco kung papaano maibsan ang paghihirap ng mga customers  sa kalagitnaan ng ECQ dulot ng pandemyang COVID-19. Bukas naman ang mga opisyal ng Meralco at sinunod nila ang ilan sa mga ito tulad ng walang putulan ng koryente sa mga hirap o hindi  pa makabayad. Binigyan ng Meralco hanggang sa buwan ng Oktubre na dapat sa Setyembre ng takdang palugit ang mga hindi nakapagbayad simula sa buwan ng Marso. Aysus, PITONG BUWAN na palugit? Hindi ba magandang balita ito para sa atin?

Tulad ng mga napapanoond natin sa mga special offer sa Home TV Shopping, “But wait? There’s more!”. Pumayag pa ang Meralco sa isang panukala ng mga mambabatas na magkaroon ng installment sa bayarin ng koryente. Hindi pa ‘yan, ang Meralco sumunod sa pakiusap ni House Speaker Alan Cayetano ng financial relief sa mga 2.77 million na tinatawag nilang lifeliners. Ito’ yung mga mahihirap nating mga kababayan na may konsumo lamang ng hindi tataas ng 100kWh. Nagkakahalaga ito ng halos  P101 million. Ito ay sa pamamagitan ng pagbawas sa kanilang distribution charge sa kanilang electric bill.

Hindi lang po ‘yan. Pumayag din sa panukala ng isang mambabatas na sagutin na rin ng Meralco sa  tinatawag na ‘convenience fee’ sa mga nagbabayad sa pamamagitan ng online transaction. Aabot ito sa halos P30.4 million. Sa totoo lang, normal na praktis ito kahit na sa mga bangko. Sinisingil tayo sa mga transaction fees dahil pumpunta ito sa kinukuha nilang IT company na nagpapadali sa ating mga transaksiyon na hindi na kailangang lumabas at pumila sa pagbayad. Hindi po libre ito. Pero sinagot na rin ito ng Meralco alang alang sa kanilang mga customers na nahirapan dulot nga ng ECQ.

Kung ating titigan. Tila parang nabu-bully ang Meralco ng ilang mga sektor at mambabatas sa isang suliranin na hindi naman sila ang ugat ng problema. Sabi nga ni dating Senador at DILG Sec. Orly Mercado sa kanyang programa sa radyo, “Kailangan yata na may titulo ka ng PhD upang maintindihang mabuti ang kalakaran sa industriya enerhiya”.

Kamakailan naman ay nagmistulang Pontio Pilato at naghugas ng kamay ang ERC na wala silang kinalaman sa nasabing mataas na singilin ng koryente at pinatawan ng P19 million ang Meralco sa umano’y  ginawa nilang “estimated billing”. Susmaryosep, eh sa kanila nanggaling ang nasabing polisiya!

Inamin ng ERC sa isang pagdinig sa Kongreso na ang kanilang polisiya sa ilalim ng Distribution Services and Open Access Rules (DSOAR) na maaring gumawa ng estimated billing ang mga distribution utilities (DUs) sa panahon na walang maaring makapagbasa ng metro ng koryente ay hindi nakadisenyo sa pangmatagalang panahon tulad ng nangyari noong panahon ng ECQ. Eh bakit hindi sila naglabas agad ng panibagong polisya noong buwan ng Abril na dapat sundin tulad ng Meralco at iba pang mga DU at electric cooperatives na kapalit ng DSOAR?

Lumalabas na mabagal na aksiyon ng ERC ang ugat ng bill shock. Tapos Meralco ang kanilang pinarusahan sa kaguluhang ito. Ngayon naman, may isang senador na nananakot na tatanggalan ng prangkisa ang Meralco tulad sa nangyari sa ABS-CBN kapag umapela sila sa kautusan ng ERC.

Nanunumbalik tuloy sa aking alaala ang mga pangyayari noong nag-aaral ako sa elementarya sa mga nabu-bully kong kamag-aral. Parang ganito yata ang nangyayari sa Meralco.

Comments are closed.